Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

P68B DPWH fund ng mga cong yari kay Lacson

0 330

Ipapanukala ni Senador Panfilo Lacson na bawasan ng P40 bilyon hanggang ang P50 bilyon ang panukalang pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para taong 2021.

Ayon kay Lacson, ang awas pondo ay kukunin sa P68 bilyong inilaan sa multi-purpose buildings (MPBs) sa maraming congressional district sa bansa.

“Mostly sa P68B sabihin na natin makapagbawas tayo ng P40-50B, dadalhin ito sa panukala ko na kung ito ma-adopt sa Senate version at BCC [bicameral conference committee],” pahayag ni Lacson sa panayam sa radyo.

Kung papayagan ang kanyang panukala, plano ni Lacson na ilagak ang pondo sa mga local government units (LGUs) partikular sa mga sinalanta ng bagyong Rolly, Quinta at Ulyssess.

“Maglagak tayo ng P20B sa assistance to LGUs, especially ang mga tinamaan ng 3 bagyo, Rolly, Quinta, Ulysses. Pupunta ito sa Cagayan, Bicol, Marikina para ang development nila ma-maintain,” sabi ni Lacson.

“Para ‘di lang sa pagpapagawa ng evacuation o quarantine facilities kundi makapagsimula uli sila kasi bilyon ang nawala sa kanila in terms of agriculture, kabuhayan, mga bahay roon,” dagdag pa nito.

SM food to go Banner Ad

“Ilagay natin sa isang pondo na ang mangangasiwa OP [Office of the President] or DBM [Department of Budget ang Management] pero ang pondo pupunta mismo sa LGU,” saad pa ng senador.

Itutulak din ni Lacson na madagdagan ang pondo ng Department of Information, Communication and Technology (DICT) dahil kulang ang pondo sa implementasyon ng National Broadband Program (NBP).

“Ako nag-defend sa budget. Sa ngayon ang hinihingi ng DICT para sa NBP, P18B para makumpleto,” ani Lacson.

Kung magkakaroon ng sariling bandwidth ang gobyerno, malaki ang matitipid dahil magkakaroon ng sariling internet service ang bawat opisina ng pamahalaan.

“Tayo ang gov’t agencies hindi na mag-subscribe sa private telcos. Kasi fiber ito. Maglalatag ang DICT, ang govt mismo, P18B kailangan nila. Ang NGAs hindi na mag-subscribe sa private sector, may sarili nang national broadband,” sabi ni Lacson.

“Ang Senate secretariat, 1 taon subscription fee P4M. Ang bawa’t opisina ng senador, P62M subscription. Mawawala ‘yan pati DPWH pati mga ahensya pati mga bureaus at mababang opisina may sariling internet service,” ayon pa sa senador. (Dindo Matining)

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.