Una sa Balita

P60/kilo ng bigas lantarang padurugas

By
0 3,200

Lantarang pagnanakaw o ‘daylight robbery’ ang presyuhang P40 hanggang P60 kada kilo ngayon ng commercial rice sa gitna nang sinasabing shortage ng NFA rice sa merkado.

Ito ang buwelta ni Agriculture Secretary Emmanuel ‘Manny’ Piñol sa umano’y mga sakim na rice traders na nagsasamantala sa sinasabing shortage ng NFA rice stocks at ginagawang rason para itaas nang sobra-sobra ang presyo ng commercial na bigas sa mga pamilihan.

Aniya, dapat ay nag­lalaro lamang sa P36 per kilo ang presyo ng commercial rice. “Rule of thumb, the price of rice in the market should only be double the buying price of palay. Kung ang bili sa magsasaka ay P18, dapat ang presyo ng bigas sa merkado ay P36,” paliwanag ni Piñol.

Ngunit sa kanilang nasagap na report ay umaabot sa hanggang P60 ang presyo ng commercial rice dahil umano sa pinalulutang na NFA rice shortage na ginagamit na rason ng mga rice traders para itulak ang rice importation mula Vietnam at Thailand.

“Kaya itong presyuhan ng P40, P45, P50 o P60 ay daylight robbery. Hayagang nakawan,” sabi pa ng kalihim.

Aniya, binibili ng mga traders sa mga magsasaka ng P18 kada kilo ang bigas at dapat na ibenta lamang ito ng P36 subalit hindi ito ang nangyayari ngayon dahil sobra umano ang ipinapatong ng mga ganid na rice traders sa presyo ng bigas.

Binigyan-diin ni Piñol na may sapat na supply ng NFA rice ang ahensiya sa buong bansa. Aniya, may buffer stock na P5.8 mil­yong metriko tonelada ang NFA at sakali mang maubos ang 2.8M metric tons sa loob ng 90 days o first quarter ng 2018, may matitira pang tatlong milyong toneleda ng bigas na pinakamataas na stock sa nakalipas na mga taon.

“I suspect na merong mga matatakaw na mga negosyante diyan na sinakyan din ‘yun isyu para ma-certify ‘yung additional importation ng bigas from Vietnam or Thailand,” turan pa ng kalihim.

Samantala, mas kailangan umanong unahin at tugunan ang pangangailangan sa bigas ng mga tao kaysa sa mga sigalot na nagaganap ngayon sa loob ng panloob na isyu ng Department of Agriculture (DA), National Food Authority (NFA) at National Food Authority Council (NFAC).

Ayon kay Senador Nancy Binay, kaila­ngang magkasundo na upang makabuo ng plano ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno para matugunan ang sinasabing kakapusan ng supply ng bigas sa bansa.

“Pakiusap ko sana mag-usap sina Secretary (Manny) Piñol, ‘yung NFA Council, pati na din ‘yung pamunuan NFA na upuan niyo talaga at mag-usap,” saad ni Binay.

“‘Yung isa sinasabi na kailangang mag-import, ‘yung isa naniniwala na walang need. At the end of the day, walang NFA rice tayong nabibili. Unahin muna natin ang panganga­ilangan ng ating mga kababayan bago ang internal issues among the different agencies,” dagdag nito.

Nilinaw naman ng senador na hindi nito kinokontra ang pahayag ni Agriculture Secretary Manny Piñol, na maraming naaning lokal na bigas subalit ang karamihan aniyang nabibiling bigas ay mas mahal at hindi kayang bilhin ng maraming ­Pinoy.

Inutos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-aangkat ng P250,000 metric tons ng bigas upang maresolba ang kakulangan ng NFA rice sa merkado.