Una sa Balita

P500M pekeng yosi, tax stamp nasamsam sa Bulacan

By
0 671

Tatlong bodega sa Meycauayan City, Bulacan ang sinalakay ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) at nakasamsam dito ng mga pekeng sigarilyo at daan-daang sako na naglalaman ng mga raw material sa paggawa ng yosi na aabot sa P500 milyon ang kabuuang halaga.

Nadiskubre rin sa pagsalakay ang umano’y mga pekeng tax stamp ng Bureau of Internal Revenue na nakatago sa isang maliit na sako. Kabilang pa sa mga nasamsam ay lumang makina sa paggawa ng sigarilyo at ilang mga sako na may ginupit na plastik, ayon kay BOC Commissioner Isidro Lapeña.

Isinagawa ang pagsalakay batay sa direktiba ni Lapeña na inspeksiyonin ang tatlong bodega sa Panply Marketing Warehouse sa Muralla Industrial Subdivision, Meycauayan City.

Ayon sa ulat, pag-aari ng isang Johnny Caluban at ng Panply Marketing Corporation ang mga bodega na sinalakay ng BOC kasama ang grupo ng Criminal Investigation and Detection Group sa Bulacan, mga opisyal ng Brgy. Perez, Meycauayan City at product special na mula sa Japan Tobacco Industry.

Kabilang sa mga kinumpiskang sigarilyo ay may tatak na Mighty.