Una sa Balita

P5.2M cocaine nabingwit naman sa Camarines Norte

By
0 361

ISA pang bloke na naglalaman ng cocaine na tinatayang aabot ang halaga ng P5.2M ang napulot ng isang ginang habang naglalakad sa pampang ng Paracale, Camarines Norte, kahapon nang madaling-araw.

Agad namang ibinigay ni Norly Soriano y Laudiana, 46-anyos, residente ng P7-A, Brgy. Bagumbayan, Paracale ang napulot na isang bloke na nakabalot ng duct tape na naglalaman ng cocaine sa Paracale police station bandang alas-tres Linggo nang madaling-araw na agad na itinurn over sa Provincial Crime Laboratory Office para maimbestigahan ang laman nito.

Ayon sa PNP-Caraga Region, positibo na cocaine ang laman ng bloke na may timbang na 989.23 gramo at may market value na tinatayang nasa P5,242,919.00.

Matatandaang nasabat ng pulisya ang may 88 bloke ng cocaine na nagkakahalaga ng P500 milyon sa karagatan ng Cagdianao, Dinagat Island sa CARAGA Region, kamakailan.

Una nang sinabi ni CARAGA Police Director P/Chief Supt. Gilbert Cruz na nasabat ang 48 bloke ng cocaine nang mag-report sa pulisya ang mangingisdang si Gonie Curada sa Cagdianao Municipal Police Station sa Dinagat Island matapos makakita ng bloke-bloke na lumulutang sa karagatan bandang ala-5:30 nang hapon noong Pebrero 12.

Dinala ang mga ito sa tanggapan ng Regional Crime Laboratory ng Police Regional Office 13 sa Butuan City at doon na napag-alamang isang uri ng high grade cocaine ang nakita ng mangingisda.

Nabatid na modus operandi umano ng mga sindikato na ilubog sa dagat ang itinatagong kontrabando na bloke ng cocaine ay mayroon silang diver na sisisid gamit ang Global Positioning System (GPS) para malaman kung saan banda nakalubog ang droga.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy