Una sa Balita

P4B tinapyas sa calamity fund ‘missing’ – Ping

0 363

HINAHANAP ngayon ni Senador Panfilo Lacson kung saan napunta ang P4 bilyong tinanggal sa panukalang P20 bilyong calamity fund o National Disaster Risk Reduction and Management fund para sa taong ito.

“For 2020 ang nakasaad sa Se­nate version, P20 billion. Paglabas sa bicam (bicameral conference committee report), naging P16 billion, nabawasan ng P4 billion. Tine-trace ko ngayon saan napunta ang P4 billion bakit binawasan sa bicam,” pahayag ni Lacson sa pa­nayam sa dzBB kahapon.

Ayon kay Lacson, nahihirapan siyang matukoy kung saan ito napunta dahil ang mga pinuno ng Senate finance committee na si Sen. Sonny Angara at House appropriations committee na si Rep. Isidro Ungab lang ang nag-usap sa pag-amiyenda ng natio­nal budget.

“‘Yan ang mahirap i-trace kasi kapag bicam nag-uusap lang ang dalawang chairmen. Tapos mag-pool sila, magbabawas kung saan-saan, tapos ito ngayon kung saan-saan napunta,” ani Lacson.

Sinabi pa nitong tumatagal ng limang taon ang ‘life span’ ng calamity fund.
“Kapag hindi nagamit, ang unexpended napupunta sa special fund na nakalagak din, nakatuon para sa mga calamities and disasters. After five years kapag hindi pa rin nagamit ibabalik ito sa Natio­nal Treasury,” ani Lacson.

Samantala, sinabi naman ni Senador Sherwin Gatchalian, miyembro ng Senate bicam panel, na ang calamity fund para sa 2020 ay na-cut dahil sa ‘unused’ calamity fund noong 2019.

“Nabawasan ‘yan dahil noong huling taon hindi naman nagamit, that’s number one. Two, ‘yung 2019 na hindi nagamit, inilagay sa 2020 so hindi kumpleto ang picture na nabawasan ito ng P4 billion dahil nadagdagan naman dahil sa 2019 na budget,” sabi ni Gatchalian sa hiwalay na panayam.

“Hindi siya kapos dahil ‘yung 2019 na hindi nagamit, inilagay naman sa 2020,” dagdag pa nito. (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More