Una sa Balita

P498M Ombudsman annex building depektibo – COA

By
0 779

KINUWESTIYON ng Commission on Audit ang pamunuan ng Office of the Ombudsman sa pagpapahintulot nito sa kanilang mga kawani kabilang na ang nagretirong Ombudsman Conchita Carpio-Morales, na mag-opisina sa annex building ng kanilang tanggapan kahit hindi pa ito tapos at hindi rin saklaw ng ­insurance.

Sa kanilang audit sa Ombudsman, sinabi ng COA na ang P498 million Ombudsman annex building sa Quezon City ay nananatili pang ‘incomplete’ ng 2.38 percent mula nang huli itong tingnan noong Hunyo 6, 2015 hanggang Disyembre 31, 2017.

Dahilan upang ituring umano ang gusali sa status na ‘Construction in Progress’ sa Book of Records ng Ombudsman ngunit wala umanong kaukulang liquidated damages na ginawa laban sa project contractor na Joint Venture of Filipinas Systems Inc. at F.F. Cruz and Co.

Si Morales at ibang kawani ay nag-oopisina sa gusali na walang Certificate of Final Acceptance at Certificate of Completion of Works.

Ayon sa COA, ang gusali ay hindi pa saklaw ng General Insu­rance Fund ng Government Service Insurance System.

Kabilang sa ‘uncompleted or defective contract works’ na binanggit sa COA audit ay ang fire protection and air-conditioning systems, plumbing, electronic equipment, missing exhaust units, at cracks sa may main entry porch ng gusali.

Dahil dito, hiniling ng COA sa Project Management Team ng COA na alamin ang kabuuang halaga ng liquidated damages na dapat pabayaran at pag-obliga sa contractor na tapusin ang proyekto.

Sa depensa naman ng Ombudsman, sinabi nitong napilitan silang gamitin ang gusali dahil kailangan nila ng office space dahil ang Office of the Special Prosecutor ay pinaalis sa Sandiganbayan para bigyan ng espasyo ang Sixth at Seventh Division ng anti-graft court.