Una sa Balita

P48M shabu nasamsam sa galamay ng drug gang

By
0 620

PITONG kilo ng shabu na aabot ang halaga sa P47.6 milyon ang nasamsam sa nadakip na 29-anyos na big time pusher na umano’y sangkot sa isang drug gang sa isinagawang buy-bust operation ng mga elemento ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa San Andres Bukid, Maynila kahapon nang madaling-araw.

Sa press conference kahapon sa Camp Crame, kinilala ni NCRPO Director Chief Supt. Guilermo Eleazar ang nadakip na suspek na si Joshir Bernardo, 29, pansamantalang naninirahan sa Onyx, San Andres Bukid, Maynila.

Ayon kay Eleazar, naaresto ang suspek dakong alas-kuwatro nang madaling-araw sa kanto ng Depino st., Brgy. 779 Zone 57 District V, San Andres Bukid sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) ng NCRPO.

Napag-alaman na nagpanggap na buyer ang pulis na si PO2 Orlando Perez ng RDEU at kumuha ng isang kilo ng shabu sa suspek na may halagang P6.8 milyon. Nagkasundo ang poseur buyer at suspek na magbibigay muna ang una ng P1 milyon at saka na ibibigay ang kakulangan kapag naibenta na ang nasabing iligal na droga.

Gamit ang P100,000 pera at P900,000 na boodle money ay ibinigay ng ‘poseur buyer’ ang pera sa suspek kapalit ng 1 kilo ng shabu at ito na ang hudyat upang arestuhin si Bernardo.

Bukod sa 1 kilo ay nakakuha pa sa kotse ng suspek ng anim na kilo pa ng shabu kaya umaabot sa pitong kilo ng iligal na droga ang kabuuang nakumpiska dito na may street value na aabot sa P47.6 milyon.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde na ang naarestong suspek ay kasabwat ng grupo ng drug lord na si Loloy Hernandez na nasa Taguig City Jail na nag-o-operate sa kalakhang Maynila at Calabarzon area.

Ihinahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa suspek.