Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

P40M ‘tsaa-bu’ nasilat sa Makati

0 191

Arestado ang dalawa katao matapos madiskubre ng mga awtoridad nitong Miyerkoles ang pagtatago nila ng hinihinalang shabu sa mga pakete ng tsaa sa Makati City.

Sa ulat na ipinadala ni Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) Director Police Brig. General Remus Medina, nadakip sa naganap na buy-bust operation sa isang apartment sa B. Hilario St., Brgy. Palanan, Makati City alas-7:30 ng gabi ang dalawang suspek na nakilalang sina Bryan Salceda, 26, at Jerome Gaje, 27.

Nakuha mula umano sa kanila ang anim na kilo ng pinaniniwalaang shabu na may street value na P40.8 milyon at isinilid sa mga tea bag na ang mga karton ay may nakasulat na Chinese character.

Ayon kay Medina, ang pagkakadakip kina Salceda at Gaje ay base sa ginagawa nilang patuloy na operasyon upang masugpo na ang pagkalat ng ilegal na droga bago matapos ang termino ni Pangu­long Rodrigo Duterte.

Ito na ang ikalawang operasyon ng PNP-DEG sa Makati City matapos ang matagumpay na buy-bust operation din nila nitong Martes ng hapon sa Barangay Bangkal, Makati City kung saan naaresto si Aldren Mariscal at nakakumpiska ng nasa dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P13.6 milyon.

Sa ngayon ay nakakulong na sa PNP-DEG detention cell sa Camp Crame ang mga suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa ilegal na droga laban sa kanila.

Patuloy naman ang imbestigasyon upang malaman kung sino ang supplier ng dalawa. (Edwin Balasa/Mark Joven Delantar)

Leave A Reply

Your email address will not be published.