Una sa Balita

P400M ghost projects ng DPWH, sampolan ng PACC

0 27

Tahimik pa rin hanggang ngayon ang tanggapan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar kaugnay sa nakalkal ng pahayagang ito na diumano’y ‘gross anomaly and misreporting’ ng mga road projects sa Lubang Island sa Occidental Mindoro.

Hunyo 20, 2017 pa nagpadala ng liham si Lubang Mayor Roberto Sanchez sa opisina ni Villar pero wala pa tayong naririnig na kasagutan o kahit paglilinaw mula sa kanya tungkol sa mga ibinunyag na iregularidad sa mga road projects ng DPWH sa Lubang Island.

Kahapon ay idinetalye sa exclusive report ng Abante ang mga kuwestyonableng road projects ng DPWH sa Lubang Island. Nakakalula ang halaga ng mga proyekto. Nakakawindang din ang ‘misreporting’. May mga proyektong ini-report na tapos na pero hindi pa pala at mayroong hindi pa umano nasisimulan at nakatiwangwang lang.

Mayroong pruweba na mga litrato. Pero, mas mainam siguro kung pupuntahan mismo ni Villar ang lugar para personal niyang makita ang mga inirereklamo sa kanya ni Mayor Sanchez na road projects.

Kailangang magpaliwanag sa isyung ito ang district engineer na siyang namamahala sa mga proyektong binanggit ng alkalde ng Lubang. Kailangang maimbestigahan ito.

Kung hindi kikilos ang tanggapan ni Villar ay umaasa tayong bibigyan ito ng aksyon ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan.

Ipanawagan na rin natin kay Pangulong Rodrigo Duterte na sampolan ang mga iskandalosong road projects sa Lubang Island. Unahin itong paimbestigahan sa bagong tatag na Presidential Anti-Corruption Commission (PACC). Dapat may managot dito!