Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

P374K shabu nasabat kay sarhento

0 150

Arestado ang isang aktibong pulis na tulak umano ng ilegal na droga matapos itong malaglag sa bitag ng kanyang mga kabaro at makumpiskahan ng P374,000 halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Iloilo City noong Linggo.

Ayon kay PNP officer-in-charge Lt. General Vicente Danao Jr., bukod sa kasong kriminal ay agad niyang ipinag-utos ang pagsasampa ng kasong administratibo laban sa suspek na si Police Staff Sgt. Igmedio Lasala Cristobal Jr., para agad itong masibak sa serbisyo.

Si Cristobal ay aktibong pulis na nakatalaga sa Regional Personnel Holding Administration Unit (RPHU) 6.
Nadakip ang suspek nitong Linggo at nakumpiskahan ng 55 gramo ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P374,000, mga I.D. at motorsiklong ginamit niya sa tran­saksiyon sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) 6 at Iloilo City PNP sa Aries St. VML Subd., North Fundidor sa Molo, Iloilo.

“Ang pagkahuli kay P/SSg. Cristobal ay babala para sa iba pang kasamahan natin na hanggang ngayon ay hindi pa rin tumitigil sa ilegal na gawain at paglabag sa batas. Sa ilalim ng aking pamumuno, hindi ako magdadalawang-isip na tanggalin sa serbisyo at kasuhan ang sinumang mahuhuli at mapapatunayang sangkot sa ilegal na gawain lalong-lalo na sa ilegal na droga,” diin ni Danao. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.