Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

P32.8 bilyong kita, itinala ng PhilHealth sa taong 2021

0 96

Inanunsyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na isinara nito ang taong 2021 na may netong kitang P32.84 bilyon, mas mataas ng P2.8 bilyon o siyam na porsyento kumpara noong 2020.

Dahil sa mas pinalakas na koleksyon at paglunsad ng payment facility sa Member Portal, nakakolekta ang PhilHealth ng P171.17 bilyong halaga ng health insurance contributions. Ito ay mas mataas ng 15% dahil na rin sa pagtaas ng koleksyon mula sa self-paying/earning members.

Bukod dito, tumanggap din ang Korporasyon ng subsidiyang nagkakahalaga ng P71.24 bilyon mula sa National Government para sa Indirect Contributors. Ang pinaigting na koleksyon ay nakatulong para malampasan ng PhilHealth ang collection target nito ng 10%.

Samantala, umabot naman ng P140.16 bilyon ang benefit claims expense ng PhilHealth noong 2021 at nakapagtala ng dagdag claims na may halagang P20 bilyon. Ito ay mas mataas ng 16% sa P120.9 bilyong naitala noong 2020. Malaking bahagi ng pagtaas ng benefit claims expense ay dahil sa mas mataas na kamalayan ng mga Filipino tungkol sa iba’t-ibang benepisyo ng PhilHealth.

Noong nakaraang taon, bukod sa pagbabayad ng COVID-19 benefits, malaking halaga rin ang ibinayad ng PhilHealth sa claims para sa inpatient at outpatient care, primary care benefits, at Z Benefits.

Sa kabuuan, ang naging koleksyon ng PhilHealth noong 2021 ay mas mataas pa rin ng P31.01 bilyon kumpara sa benefit payments nito para sa parehong panahon. Lumalabas na nagbabayad ng P0.82 sentimo ang PhilHealth para sa benepisyo ng mga miyembro sa kada pisong nakokolekta nito.

Nagkaroon din ng pagtaas sa investment income ng PhilHealth matapos itong kumita ng P9.5 bilyon, lampas ng 40% sa target nito para sa nakaraang taon.

Ang total assets naman nito ay umarangkada ng 27% o P347.48 bilyon, mas malaki sa P274.46 billion noong 2020. Malaking bagay dito ang pagtaas ng pamumuhunan kung saan ang National Government subsidies at maturities ay ipinuhunan matapos isaalang-alang ang kinakailangang panggastos.

Ang investment portfolio ng PhilHealth na nagkakahalaga ng P331 bilyon ang nagbunsod ng nasabing paglago ng investments nito na kinabibilangan ng special savings deposits (SSD) at time deposits na may pinagsamang halagang P70 bilyon. Ang mga ito ay itinuturing na madaling i-liquidate at i-convert sa cash sa mga pagkakataong may hindi inaasahang pangyayari sa cash flow ng PhilHealth. Ang iba namang pamumuhunan nito ay nasa government at corporate bonds.

May hawak ngayong P177 bilyon reserve fund ang PhilHealth – o 25% na mas mataas noong 2020 – dahilan upang magarantiyahan nito ang tuloy-tuloy na benefit payouts para sa mga miyembro sa kanilang mga pangangailangang medikal.

Leave A Reply

Your email address will not be published.