Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

P300B Kotong sa Budget barado kay Lacson

0 191

Pumalo na sa P300 bilyon ang naisalba ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson dahil sa kanyang mahigpit na pagbabantay sa pambansang badyet bilang bahagi ng kanyang tungkulin at malinis na serbisyo sa Senado.

“Alam niyo ‘yung kuwenta ng staff ko nu’ng ito na, itong huli, kasi 18 years… Umaabot na pala ng P300-billion ang nailigtas sa kaban ng bayan doon sa 18 taon ng kabubusisi ko,” pagsisiwalat ni Lacson sa kanyang pakikipagdayalogo sa mga miyembro at opisyal ng transport sector sa Quezon City.

Ayon pa sa batikang mambabatas, sa kanyang 18-taon sa Senado, taon-taon niya ring binubusisi ang badyet, kaya naman bilyon-bilyon ang nasagip sa kaban ng bayan.

“Sa loob ng 18 taon na kakabusisi ko ng budget, kinakaltas ko ‘yung alam kong walang pagpupuntahan ‘yung pera, alam kong aabusuhin lamang, inaalis ko ‘yon. Nililipat ko, halimbawa, sa isang ospital para magamit o kung saan man,” sabi ni Lacson.

Dahil dito, naging target umano si Lacson ng maraming politiko. Aniya, “Marami nga ang nagagalit sa akin. ‘Yung mga kasamahan naming congressman, ang sabi nila: ‘Yan si Lacson sobrang higpit, lahat kinukuwestiyon.’”

“Bakit ko ginagagawa? E kasi nga sino ba ang naiisip ko? ‘Di ba, ‘yung pangkaraniwang Pilipino na tinatamaan kasi hindi alam kung saan pupunta [‘yung budget],” lahad ng mambabatas na dating hepe ng kapulisan.

Ayon pa kay Lacson, “Pera natin ‘yun e, pera ninyo, pera nating lahat. Bakit hindi natin babanta­yan?”

Sa isang talumpati, sinabi ni Lacson na kahit maayos ang naipapasa nilang budget sa Senado, ay hindi naman ito naipatutupad at nakakaabot sa mga Pilipino dahil sa kasibaan ng mga nag-iimplementa kaya naman mahigpit siyang nagbabantay sa mga nangongotong o tiwali sa gobyerno.

Leave A Reply

Your email address will not be published.