Una sa Balita

P26M puhunan pinautang ni Mayor Erap na zero interest

0 751

PITONG libong residente ng Maynila ang naging instant negosyante matapos pautangin ni Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada nang walang tubo sa ilalim ng Capital Assistance Program (CAP) ng lungsod.

Ayon kay Erap, umaabot sa P26 ,ilyong pondo ng lungsod ang naipautang sa mga vendor, mga small-scale business, mga nagtapos sa Manila Manpower Development Center, mga homeless at mga pansamantalang nakatira sa Boys Town.

Limang libo hanggang P15,000 ang karaniwang pinapautang sa mga gustong magnegosyo na buwanang binabayaran sa maliit na halaga at walang interest.

Tinukoy ni Estrada ang isang Lydia Codinera mula sa Moriones na nagsi­mula sa P15,000 hanggang makautang ng P300K para sa kanilang kooperatiba na Kapwa.

Sa ngayon, sinabi ng alkalde na maganda na ang takbo ng negosyo ng Kapwa na gumagawa ng mga liquid detergent, fabric conditioner at handwash.

Sinabi pa ng alkalde na magandang halimbawa ang grupo ni Codinera dahil tumupad ito sa pagbabayad sa takdang oras kaya naibalik ang kanilang inutang at nagkaroon pa ng sariling training center sa Moriones.

Hinikayat ni Erap ang mga umuutang na pagsikapang palakihin ang kanilang inutang na puhunan para mas maengganyo ang lungsod na magpautang sa kanila.

Sa pamamagitan ng maliit na negosyo, sinabi ng alkalde na mas madaling makakaahon sa hirap ang mga mamamayan ng lungsod sa tulong ng CAP.

Sa ngayon, ang Kapwa ay regular nang nagsu-supply ng kanilang mga produkto sa mga pribadong korporasyon para sa mga giveaways, lalo na ngayong holiday season.

Ang Kapwa ay nagsimulang umutang sa CAP noong 2014.