Una sa Balita

P20K utang ‘di mabayaran sa lumobong interes

0 453

Dear Atty. Claire,

Hihingi sana ako ng advise. Ako po ay may utang na P20,000 na tumubo na at naging P26,000.

Umabot po ng tatlong taon hanggang ngayon hindi ko nabayaran ang aking utang. Nga­yon po ay may lisensya na sila na magpautang, ngayon po pinabarangay po nila ako. Ang payo po ng barangay ay makiusap ako sa aking pinagkakauta­ngan kung paano ko ito babayaran. Ang sabi ko po ay maghuhulog ako buwan-buwan ng P1,000 pero po ayaw pumayag ng aking pinagkakautangan. Binantaan po niya ako na kapag ‘di ako sumunod sa gusto nila ay ang attorney nila ang kausapin ko. Ano po ba ang dapat kong gawin?

Joan

Dear Joan:

Malamang kaya hindi ka makabayad ay ginamit mo ang inutang mo sa ibang kadahilanan o pangangailangan mo at hindi sa isang business kaya’t wala kang ibang pagkukunan kahit na pambayad sa interes ng utang mo.

Magkaganun pa man ang utang ay utang na dapat bayaran upang mapagkatiwalaan kang muli at ang kasunduan ninyo ay boluntaryo mong pinasok at hindi ka naman pinilit.

Nais ko sanang malaman kung ang interes ba ay napagkasunduan ninyo at nakasulat ito sa kasunduan dahil kung hindi nakasulat ang kasunduan ay hindi ka maaaring singilin ng interes.

Sa ngayon ay tala­gang sisingilin ka na ng pinagkakautangan mo at malamang na lumaki pa nang lumaki ang interes niyan. Ang isang kasunduan kasi ay hindi basta pinapawalang bisa ng korte maliban lamang kung mapapatunayan mo na ang interes ay sobrang laki at hindi na katanggap-tanggap o hindi na ito makatao o makataru­ngan sa sobrang taas ng pinataw na interes.

Kahit walang nakukulong sa utang ay hindi dapat na hindi tuparin ang napagkasunduan. Tanging pakiusap na lamang ang maaari mong gawin at ipakita na magbabayad ka naman kahit na maliit na halaga kada buwan.

***

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 419-7624 o 922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy