Una sa Balita

P200M makina ng pekeng yosi winasak sa Clark

0 361

Iba’t ibang uri ng mala­laking imported na makina sa paggawa ng pekeng sigarilyo ang giniba at dinurog ng back hoe sa harapan ng Bureau of Customs sa loob ng Clark Freeport Zone kahapon nang umaga.

Ang mga sinirang makina ay nagkakahala­ga ng mahigit sa P200 milyon na nakumpiska ng mga operatiba ng Customs noong Pebrero 19, 2019 sa dalawang malalaking warehouse sa loob ng Glo­bal Aseana Business Park at San Simon Industrial Park sa Brgy. San Isidro, San Simon, Pampanga.

Kabilang sa mga winasak ang pitong makina sa paggawa ng pekeng sigarilyo, isang set ng generator at coo­ling system nito, ayon kay Port of Clark district collector Ruby Alameda.

Sinabi ni Alameda ang naturang makina ay may kakayahan na gumawa 400 master case­s ng sigarilyo o kaya’y makagawa ng 4,000 sticks ng sigarilyo kada araw.

“Medyo natagalan ang pagsira sa mga makina dahil mahaba ang dinaanan ng forfeiture procedure,” ayon pa kay Alameda.

Ang pagsira sa mga naturang makina ay isang paraan ng pamahalaan para ipabatid sa mga taong sangkot sa smuggling na tigilan na nila ang kanilang ope­rasyon.

Nabatid na noong 2014 ay umabot sa P22 bilyong buwis ang nalu­gi sa pamahalaan dahil sa operasyon ng iligal na paggawa ng sigarilyo. (Rudy Abular)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy