Una sa Balita

P200B pondo vs COVID-19, di sapat – Lacson

0 444

Naniniwala si Senador Panfilo Lacson na hindi sapat ang P200 bilyong pondo para matugunan ang pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan ng coronovirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Lacson, ang panukalang supplemental budget ay sasakop lang sa ayudang ibibigay sa 16.5 milyon pamilya at 30% ng minimum wage para sa apektadong manggagawa sa loob ng dalawang buwan.

“So maliit ang P200B kasi ang pinaguusapan lang 2 months’ period na 16.5M families, 30% ng minimum wage so talagang kulang yan. Maski anong arithmetic gamitin natin maski anong calculus, kulang talaga yan,” pahayag ni Lacson sa panayam sa DZBB.

“Harinawa walang magiging disagreeing provisions na tatalakayin nila at tatalakayin namin para wala nang bicameral conference nang sa ganoon enrolled bill na lang yan papunta Malacanang,” dagdag pa nito.

Sabi pa ni Lacson, kailangan din maghanap ng ibang mapagkukunan ng pondo para mapunan ang tinatayang P200 bilyon supplemental budget.

Isa aniya maaring pagkunan ay ang hindi nagamit na pondo mula sa 2019 budget. Sa third quarter noong 2019, may P989 bilyong unused money mula sa iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno.

“Assuming na lang na yung kalahati noon ay hindi pa rin nagagamit as of 4th Quarter, pwede ring gumalaw doon dahil nagpasa naman kami ng batas noon na pwedeng i-extend yung lifespan ng budget for 2019 hanggang December 31, 2020. Dapat ikonsidera din yun,” ani Lacson.

Isa pa aniya sa maaring pagkunan ng pondo ay mga local revenue at internal revenue allotment (IRA) ng local government units (LGUs).

Bukod pa diyan, ayon kay Lacson, maaring amiyendahan ng Kongreso ang probisyon sa ilalim ng RA 20121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 na nag-aalis sa provision setting bukod sa 5% na tinatatayang revenue ng mga LGUs para sa disaster risk management activities.

“Pwede naming [sabihin na] larga na muna tutal extraordinary times, kailangan ng extraordinary measures, kahit temporarily meron kaming proviso doon sa aming ipapasang batas na bayaan na munang gamitin lalo ng mga nakakariwasang local government unit na i-convert nilang calamity fund yung kanilang mga revenue at kanilang IRA,” ani Lacson. (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More