Una sa Balita

P2 taas pasahe sa e-jeep epektibo sa Disyembre 4

0 378

PINAYAGAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 20% na taas sa pamasahe sa mga electric public utility jeepney o e-jeep simula sa Miyerkoles, Disyembre 4.

Sa kasalukuyan ay pareho lang ang pamasahe sa regular na jeepney at sa e-jeepney. Sa Dis­yembre 4 na ang effectivity ng taas pasahe ng e-jeep, ang P9 na minimum ay magiging P10.80.

Ayon sa LTFRB Memorandum Circular 2019-061, mas mahal na ang magiging pamasahe sa e-jeepney pero hindi naman daw matutumbasan ng pagkabutas ng bulsa ng mga pasahero ang pagtangkilik nila dito dahil mas maganda ito sa kalikasan at maigi din ito para sa mga susunod na henerasyon.

Hindi tinutugunan ng LTFRB memorandum circular ang magiging problema sa pagtapon sa mga sira-sirang piyesa ng mga ito na maya’t maya’y kailangang palitan at wala ring malinaw na programa ang Department of Environment and Natural Resources tungkol sa pagdispatsa ng e-waste na malaking problema sa mga advanced economy.

Ang LTFRB Memorandum Circular 2019-061 ay pinirmahan nina LTFRB Board members Engr. Ronaldo F. Corpus, Retired P/Maj. Gen. Antonio N. Gardiola Jr., at ni Retired Col. Renwick K. Rutaquio bilang OIC executive director noong Nobyembre 19.

Hindi ito pirmado ni LTFRB Chairman Atty. Martin B. Delgra III na ‘on leave’ nang pinirmahan ang dokumento.

Isa sa mga reklamo ng mga jeepney driver at operator sa PUV modernization program ng administrasyong Duterte ay ang pagsalaksak sa kanila ng mga e-jeepney at e-vehicle at pagpuwersa nitong ibasura na ang mga lumang jeep kahit na maaayos pa.

Ang binibigay na dahilan ng mga jeepney driver at operator sa pagtutol nila sa PUV modernization program ay masyadong mahal ang mga e-jeepney na mahigit P1 milyon at madaling masira dahil sa kalagayan ng kalsada sa Pilipinas.

Kasama sa taas pasahe ang iba pang modern at electric public uti­lity vehicle may aircon man o wala. (Eileen Mencias)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More