Una sa Balita

P1M ‘flavored marijuana’ nasabat sa Pasig

By
0 155

NASA isang milyong piso ang halaga ng ‘kush’ o high-grade marijuana na may iba’t ibang flavor ang nasabat ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa isang drug supplier na tinarget sa isang buy-bust operation, kamakalawa nang gabi sa Brgy. Caniogan, Pasig City.

Ayon sa MPD-Police Station 5 (PS5), dakong alas-nuwebe nang gabi nang magsagawa ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng buy-bust operation sa No. 5 Col. P. Licsi St., Brgy. Caniogan, laban kay Carlitos Johanne Arpilleda, 23-an­yos, ng No. 3233 A. Mabini St., Poblacion, Makati City, na kaagad nilang naaresto .

Nadakip din ang isang Jayson Peralta, 24, ng No. 443 Pasig Bliss, Brgy. Caniogan, na umano’y parokyano ng suspek nang maabutan ito sa lugar.

Ayon kay PO3 Eduar­do Dolleton, may hawak ng kaso, nabatid na nag-ugat ang operasyon matapos na ituro si Arpilleda na siyang umano’y source ng ipinagbabawal na droga ng mga hinihinalang drug pusher na naaresto ng MPD noong Sabado.

Kaagad namang sina­lakay ng mga awtoridad ang lugar, kung saan isang poseur buyer ang nagpanggap na bibili ng kush mula kay Arpilleda.

Nang maisagawa ang transaksyon ay kaagad nang dinakip ng mga awtoridad ang mga suspek.

Narekober mula kay Arpilleda ang mga pinatuyong dahon ng marijuana na nakasilid sa mga lata ng biskuwit at mga transparent plastic sachet, na tinatayang nagkakahalaga ng isang milyong piso, isang weighing scale, pipes at P3,000 buy-bust money.

Nalaman na ang nasa­bat na kush ay may iba’t iba pang flavor tulad ng cookies, mango at candy at ang isang maliit na pakete nito ay nagkakahalaga ng P1,500.

Sinabi ni P/Supt. Igmedio Bernaldez, commander ng PS-5, ang kush ay high-grade marijuana na galing pa sa ibang bansa at mataas ang halaga nito.

Ang mga kostumer ng suspek ay mga estud­yante at karaniwan ay sa Facebook groups nabebenta.

Sinabi naman ng suspek, ino-order pa niya online ang kontrabando sa California at kumikita siya ng P50,000 mula dito kada buwan.

Iniimbestigahan naman na ng mga awtoridad kung paano nakalusot ang iligal na droga dahil pinapadaan daw ang package sa isang courier service.

Sinampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naarestong suspek.