Una sa Balita

P1M dagdag premyo ni Yulo

0 375

NAKAHANAP ng karagdagang pondo para sa kanyang nalalapit na unang kampanya sa 2020 Tokyo Olympics ang 19-anyos na si Carlos Edriel ‘Caloy’ Yulo mula sa ipinangako na dagdag na P1-milyong insentibo ng sports patron na si Manuel V. Pangilinan.

Ito ang sinabi ni Gymnastics Association of the Philippines (GAP) President Cynthia Carrion sa isinagawang victory party ng Philippine Sports Commission (PSC) kung saan dumalo mismo sina Chairman William Ramirez, Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham ‘Bambol’ Tolentino at apat na commissioner.

“I really saw it coming, the gold of Caloy (Yulo), that is why we in the GAP are so happy and blessed. Also, Caloy will have additional incentive of P1M as promised by MVP that will be given on Thursday,” sabi pa ni Carrion.

Sakaling maibigay ang pangako na insentibo ay makakamit ni Yulo ang kabuuang P2 milyon mula sa pagtatala nito ng makasaysayang panalo sa pagsungkit ng gintong medalya sa 49th FIG World Artistic Gymnastics Championships sa Stuttgart, Germany nitong Sabado, Oktubre 12.

Una nang nakakuha ng P500,000 bilang insentibo mula sa naipasang batas na RA 10699 si Yulo kung saan agad itong dinagdagan ng kapantay na P500,000 ng Philippine Sports Commission (PSC) dahil sa pagtatala bilang unang Pilipino na nakapagwagi sa prestihiyosong torneo at nakapagkuwalipika sa kada apat nat taong 2020 Olympics.

Idinagdag pa ni Ramirez na posibleng madagdagan ang insentibo ni Yulo sa pakikipagharap nito kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte Miyerkoles ng hapon dahil sa gawi ng pangulo na pinapantayan nito ang lahat ng mga premyo na ibinibigay ng gobyerno.

“Matagal na po na ginagawa ni Pangulong Duterte ang pantayan kung ano man na insentibo ang nakukuha ng isang atleta mula sa nakapasa na batas at bigay ng gobyerno. Who knows, may madagdag pa sa pondong magagamit ni Caloy para sa Olympics,” sabi ni Ramirez. (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy