Una sa Balita

P1B plaka deal ng LTO iligal

By
0 6

Pinapawalang-bisa kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang pag-award sa tinatayang P1 bilyong license plate project ng Land Transportation Office (LTO) dahil hindi lamang minanipula ito kung ‘di iligal din sa simula pa lamang.

Ayon kay Atty. Leo Romero, na nakakuha ng temporary restraining order noong 2013 sa Supreme Court (SC) kaugnay sa anomalya sa pagbili ng license plate, sa panahon ni dating Department of Transportation and Communications (DOTC) Sec. Joseph Emilio Abaya, sa simula pa lamang ay ‘void’ o walang bisa na ang kontrata.

Katulad ni Romero, inawat din ni ACT OFW Party-list Aniceto ‘John’ Bertiz III ang planong pag-award ng LTO sa multi-bilyong proyekto para sa pagbili ng Motor Vehicle License Plates (MVLP) sa susunod na taon.

Kinuwestyon ni Bertiz ang nangyaring pre-bid conference noong Hulyo 31 dahil sa kailangan pang pondohan ito mula sa national government sa pamamagitan ng General Appropriations Act (GAA) o ang presensya ng special provision para sa proyekto.

Binigyang-diin nina Bertiz at Romero na bagama’t maaaring magamit ang general fund ng mga ahensya ng gobyerno, kailangan pa rin magkaroon ng enacte­d law na magpapahintulot sa paggastos sa paraan ng kasalukuyan o pagpapatuloy ng pagbili upang mapa­natiling balido ang paggastos sa pondo ng gobyerno.

Pero iginiit ni Bertiz na walang umiiral na pond­o para sa pagbili ng MVLP ngayong 2017.

Bukod pa sa ang pondo sa 2017 national budget sa ilalim ng ‘Moto­r Vehicle Registration and Driver’s Licensing Regu­latory Services’ ay hindi kabilang sa pambili ng license plates dahil ang ‘motor vehicle registration’ ay iba sa pagbili ng plaka.

Kaya iginiit ng kongresista na imbestigahan ito ng Kamara para maawat ang plano ng LTO sa susunod na taon na ipatupad ang proyekto kahit kuwes­tyonable ang bidding process nito.

Sa kanyang privilege speech, ibinunyag ni Berti­z na hindi lang minanipula kung ‘di iligal sa simula pa lamang ang proyekto dahil ang P998,800,000 na kailangan­ para sa pambili ng license plates ay hind­i isinama sa P3.35-trillion national budget ngayong taon­.