Una sa Balita

P18M shabu natisod sa car park

By ,
0 3

Mahigit sa tatlong kilong hinihinalang shabu na nagkakahalagang P18 milyon ang nadiskubre ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Taguig City Police sa compartment ng isang abandonadong sasakyan sa isang parking area na malapit sa Market! Market!, Bonifacio Global City, Taguig kahapon ng madaling-araw.

Sa isinumiteng report ni Southern Police District (SPD) director Chief Supt. Tomas Apolinario, ala-una ng madaling-araw nang madiskubre ang 3.5 kilo ng shabu sa compartment nang nakaparadang gray na Mitsubishi Lancer na may plakang UAP-625 sa open parking space ng BGC ng nasabing lungsod.

Ayon kay Supt. Reynaldo Ramos, hepe ng Special Operations Unit, minanmanan nila ng halos 12-oras ang nasabing sasak­yan na hinala nilang may kakaibang laman. Nang hindi na ito binalikan ng may-ari o driver ng nasabing sasak­yan ay kanila na itong gina­mitan ng K-9 drug sniffing dog at pinaikot ito sa kotse.

Laking gulat na lamang ng mga awtoridad nang biglang umupo ang nasabing K-9 dog sa harapan ng compartment ng sasakyan. Nang kanilang buksan, dito na tumambad sa mga pulis ang bulto-bultong shabu na nakalagay sa apat na plastic at nakasilid sa mga ­maliliit na kahon bawat plastic.

Ayon pa kay Chief Supt. Apolinario, madalas sa mga parking area isinasagawa ang mga tran­saksyon sa ilegal na droga. “Posibleng may magaganap na illegal na transaksyon dito dahil sa kahina-hinala ang pagparada nito at halos maghapon na,” ani pa ni Apolinario.

Sa ngayon ay makiki­pag-ugnayan ang Taguig City Police sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) upang mabatid kung sino ang may-ari ng nasabing sasak­yan.