Una sa Balita

P175B PNR South Line sisimulan sa Q2 2019 — Salceda

0 2,322
 
 

SISIMULAN na sa susunod na taon ang kons­truksiyon ng P175 bil­yong Philippine National Railways (PNR) South Line project na may habang 639 kilometro mula Manila hanggang Matnog, Sorsogon.
 
Bahagi ito ng programang PNR Luzon System program, isa sa malalaking proyektong popondohan ng China sa ilalim ng kasunduang ‘Official Development Assistance (ODA) program’ na lalagdaan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese Pre­sident Xi Jinping na bibisita sa Maynila nga­yong buwan.
 
“Sa wakas, magkakatotoo na rin ang PNR South Railways project na matagal na naming pinaghirapan. Inaasahang magsisilbi itong susi na magbubukas sa makahulugang kaunlaran ng Timog Katagalugan at Bikol,” paha­yag ni Albay Rep. Joey Salceda, ang utak at pa­ngunahing nagpanukala ng proyekto.
 
Paiiksiin ng PNR South Line Railway ng limang oras lamang ang biyahe sa pagitan ng Manila at Legaspi City. Magkakaroon ito ng siyam na estasyon – Manila, Los Baños, Batangas City, Lucena, Gumaca, Naga City, Legazpi City, Sorsogon City at Matnog sa Sorsogon. Ina­asahang mabubuksan at magsisimula ang serbisyo nito sa 2022.
 
Ipinanukala ang PNR South Line project ng Bicol Regional Development Council sa pamamatnugot ni Salceda noon pang 2015. Bahagi na ito ng “Build, Build, Build” program ng administrasyong Duterte.
 
Ang PNR Luzon System ay binubuo ng PNR North 1 (Manila-Malolos) na magkakahala­ga ng P10.3 bilyon; PNR North 2 (Malolos-Clark), P211.4 bilyon; PNR South Railway Commuter (Manila-Los Baños), P124 bilyon; at PNR South Line (Manila-Sorsogon), P175 bilyon. Nauna nang tinalakay at binalangkas ito ng mga ‘economic and infrastructure managers’ ng Pilipinas sa pulong nila sa Beijing nitong nakaraan.
 
Mula Manila, babagtasin ng PNR South Line ang Laguna, Batangas, Quezon, Camarines Sur at Albay bago sumapit sa Matnog in Sorsogon. Palalaguin nito ang lahat ng sektor ng industriya sa Timog Luzon, kasama na ang turismo ng Bikol, paliwanag ni Salceda.
 
Nilagdaan ng DOTr, PNR at mga ahensiyang sangkot sa pabahay noon pang isang taon ang kasunduan tungkol sa relokasyon ng mga 100,000 pamil­yang maapektuhan ng proyekto.