Una sa Balita

P150 na pambili ng ulam hinoldap

By
0 1,359

HINDI na pinatawad ng isang holdaper ang binatilyong nautusan lamang na bumili ng ulam sa palengke nang holda­pin at tangayin nito ang dalang P150 kamakalawa ng umaga sa Marikina City.

Nahuli ang suspek na si Deus Guevarra y Fernandez, nasa hustong gulang at residente ng Barangay Concepcion at nahaharap sa kasong robbery/hold-up at pag­labag sa Omnibus Election Code dahil sa dalang patalim.

Nakakulong ito sa Marikina Detention cell.

Batay sa report, inutusan ng kanyang ina ang binatilyong itinatago sa pangalang ‘Edwi­n’ bandang alas 10:00 kamakalawa nang umaga sa Panorama St., sakop ng Brgy. Concepcion Dos, nang harangin siya ng suspek at tinakot na sasaktan.

Agad nagtatakbo ang biktima sa kalapit na Rancho 2 Subdivision, at nang may nakita siyang security guard ay doon na humingi ng tulong.

Nahuli ang suspek sa ikinasang follow up. Nakita itong nag-aabang muli ng mabibiktima kaya’t agad na dinampot nina PO1 Jenjen Sanchez, kasama ang dalawang barangay tanod na nakilala lamang na sina Lucas at Marasigan.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang patalim at ang naholdap na pera P150.00. (Vick Aquino­)