Una sa Balita

P14.3B pananim, sinira ni Ompong – DA

By
0 135

UMABOT na sa P14.3 bilyon ang mga nasira at nalugi sa mga taniman sa paghagupit ng bagyong Ompong sa bansa, lampas pa sa ina­asahan ni Agriculture Sec. Emmanuel Piñol na P10 bilyon lamang bago ito tumama.

Aniya, lumaki ang lugi o sira dahil mas ma­laki ang tama sa maisan at mga palayan sa Cordillera at Cagayan kung saan pati ang livestock at iba pang mga high valu­e crop ay apektado rin.

Ayon kay Piñol, 553,704 hektarya ng mga bukirin ang nasalanta na ikinasira ng 731,294 toneladang aanihin na bigas at iba pang mga tanim.

Sabi ni Piñol, 397,204 na hektaryang palayan o halos 40% ng mga palayan sa Cordillera, Ilocos region, Cagayan, Central Luzon at Southern Tagalog ang nasalanta at 212,491 na magsasaka ang apek­tado.

Pinakamalala ang pinsala sa Nueva Ecija na umabot ng P2.84 bilyon ang lugi ng mga magsasaka at sumunod ang Cagayan kung saan P2.77 bilyong mga tanim ang nasira.

Pinakamalaki ang lugi sa mga palayan na nasa P8.97 bilyon ang nawala na katumbas ng 435,997 toneladang bigas na sapat na para sa mahigit walong araw na pangangailangan ng bansa.

Nasa P4.5 bil­yong halaga naman ng mais ang nasira ng tamaan ang 148,587 na hektaryang mga maisan at 281,039 na toneladang mais ang nawala. (Eileen Mencias)