Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

P13/kilo bigas, mga magsasaka umaray

0 222

Patuloy na bumabagsak ang presyo ng palay at lokal na bigas sa merkado.

Ayon sa Bantay Bigas, isang alyansang nagsusulong ng sapat, ligtas, at abot kayang presyo ng bigas, bumagsak na sa P10-P12 ang presyo ng isang kilong palay sa Panay at P11-P12 per kilo sa Iloilo at Capiz nakaraang linggo.

Ayon sa 53-anyos na magsasakang si Dindo sa Davao, nasa P13 per kilo na lang ang presyo ng bigas doon noong September 20.

Sa Malinao, Albay naman ay nasa P11 hanggang P13 na lamang ang kilo ng palay nitong September 25, sabi ng netizen na si Nosi Balgado, at ang reklamo niya, hindi naman bumababa ang halaga ng bigas.

Nagbabala ang Federation of Free Farmers na bababa pa ang presyo ng palay. Kung ngayong hindi pa dumadating ang bulto ng ani ay bumababa na, lalo pa itong lalala pag umani na ang marami.

Base sa pinakabagong datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), patuloy ang pagbagsak ng presyo ng palay at nasa P17.64 per kilo na lamang ito nung unang linggo ng Setyembre.

Sabi ng PSA nung September 21, bahagyang bumaba ang average na presyo sa wholesale ng well milled rice sa P38.57 per kilo at bahagya ding bumaba ang average na presyo sa retail ng well milled rice sa P42.23 per kilo. Pati ang presyo ng regular milled rice ay bumaba din sa wholesale at sa retail.

Bahagya mang bumababa ang presyo ng bigas sa merkado, makikita sa datos ng Department of Agriculture na ang presyo ng lokal na bigas ang naiipit.

Ayon sa datos ng DA, P32 per kilo ang pinakamababang presyo ng lokal na regular milled rice. Wala itong kaparehong datos nito sa imported rice. Sa well milled rice, P34 per kilo ang lokal at P37 ang kilo ng imported. Sa premium rice, P42 ang local at P43 ang imported samantalang P45 per kilo naman ang lokal na special rice at P48 ang imported.

Nanawagan ang mga magsasakang ibasura ang Rice Tarrification Law na kanilang sinisisi sa krisis sa palay at bigas sa bansa.

Isang taon nang pinepetisyon ng Bantay Bigas ang pagbabasura ng Rice Tarrification Law. Anila, ito ang “nagdudulot ng papalalang kahirapan at kagutuman, pagkalugi at pagkakabaon sa utang at pagkawala ng lupa ng maraming magsasakang Pilipino.” (Eileen Mencias)

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.