Una sa Balita

P11B utang nilista sa tubig

0 400

NAGDESISYON ang Manila Water Company at Maynilad Water Services na huwag nang ipatupad ang desisyon ng Singapore Permanent Court of Arbitration (PCA) na nag-uutos sa gobyerno na bayaran ang dalawang water concessionaire sa kanilang pagkalugi dahil sa pagpigil na maitaas ang water rate.

Sa joint hearing ng House Committees on Public Public Accounts at ng Good Government and Public Accountability, sinabi ng mga opisyal ng dalawang water concessionaire na hindi na sila maniningil bilang pagsunod sa kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Opo. Susunod kami sa kagustuhan ng gobyerno at Pa­ngulo,” saad ni Manila Water President at CEO Jose Rene Almendras kay Public Accounts committee chair Mike Defensor ng Anakalusugan Party-list.

Sa isang nakahandang statement, sinabi ni Almendras na handa silang makipagtulungan sa administrasyong Duterte para maayos ang ruling ng PCA na magiging katanggap-tanggap sa magkabilang panig pati na sa mga kustomer.

“Makikipagtulungan kami sa gobyerno para makahanap ng nararapat na solusyon ukol sa arbitral award na katanggap-tanggap sa pamahalaan at customer,” dagdag pa niya.

Umaabot sa P7.39 bilyon ang sinisingil ng Manila dahil sa lugi nila noong 2015 hanggang 2017.

Samantala, sinabi naman ni Maynilad CEO Ramoncito Fernandez ay noon pang 2017 nagdesisyon na huwag habulin ang gobyerno sa P3.4 bilyong arbitral award ng PCA.

“Na-award ang arbitral award sa Maynilad noong 2017. After we have followed up the government, noong hindi kami binibigyan ng pansin, ‘di na ho kami nagpursigi,” saad ni Fernandez.

Samantala, inutusan naman ng Board of Trustees ng Metropolitan Waterworks and Sewe­rage System (MWSS) ang Regulatory Office na kausapin ang Manila Water at ang Maynilad para ipagpaliban ang inaprubahang pagtataas ng kanilang ta­ripa na magsisimula sa January 1, 2020.

“The MWSS Board of Trustee­s has directed MWSS RO to initiate discussions with Manila Water Company Inc. and Maynilad Water Services inc. to consider deferring the tariff adjustment for 01 January 2020,” sabi ng regulatory office.

Kinansela ng MWSS board of trustees ang resolusyon kaugnay ng pagpapalawig sa concession agreement ng Manila Water at Maynilad mula 2022 hanggang 2037.

Ito ang kinumpirma mismo ni MWSS Chairman Reynaldo Velasco alinsunod aniya sa na­ging kautusan ng Malacañang.

Dahil dito, magkakaroon muli ng panibagong negosasyon para sa concession agreement matapos ang 2022.

Ang concession agreement ay pinalawig hanggang 2037 sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. (JC Cahinhinan/Eileen Mencias/Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy