Una sa Balita

P10M pipigain sa mga taga-Pasig ng Meralco-MVP

0 248

NAGHAIN ng aplikasyon ang Manila Electric Company (Meralco) sa Energy Regulatory Commission para masingil ang kabuuang P9.8 milyon mula sa mga kostumer nito sa Pasig City para sa local franchise tax na itinaas nu’ng Nobyembre 22, 2017.

Nais bawiin ng Meralco ang P8.95 milyong ibinayad na nito sa Lokal na Pamahalaan ng Pasig City kasama ang tinatawag nitong carrying cost na P851,908.40 na maituturing na rin na interes dahil nagpaluwal na ito ng malaking halaga.

Ang kabuuang P9.8 milyon babawiin ng Meralco sa mga consumer sa Pasig City ay sisingilin sa loob ng 12 buwan na ikatataas ng kanilang kuryente ng P0.0052 per kilowatt hour.

Itinaas ng Pasig City ang local franchise tax rate sa lungsod sa 55% ng 1% ng annual gross receipts ng isang kompanya nu’ng Nobyembre 22, 2017 mula sa 50% ng 1% ng annual gross receipts.

Sinabi ng ERC noong 2003 na hindi maari pa­litan ng Meralco ang franchise fee rate sa bills ng mga kostumer. Sa ERC Case No. 2001-646 at 2001-900, sinabi ng ERC na kailangan munang maghain ang Meralco ng petisyon sa ERC para palitan ang sinisingil nitong franchise fee rate at isumite lahat ng dokumento tungkol dito para masuri ito ng komisyon.

Itinala na ng ERC ang pre-trial conference para sa aplikasyon ng Meralco sa June 25 ng 9am sa ERC hearing room sa 15th floor ng Pacific Center Building sa San Miguel Avenue, Pasig City. (Eileen Mencias)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy