Una sa Balita

P100B realignment pinalagan ni Lacson

0 529

NANINIWALA si Senador Panfilo Lacson na isisingit sa bicameral conference committee ang higit P100 bilyong realignment na itinutulak ng liderato ni House Speaker Alan Peter Ca­yetano.

Ani Lacson, ganito rin ang naging diskarte sa liderato ni dating House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo kung saan isiningit ang P75 bilyong pork barrel fund matapos ratipikahan ang bicam report sa 2019 budget.

Ang P75 bilyong pork ay pinatanggal ni Se­nate President Vicente Sotto III kay Pa­ngulong Duterte subalit umabot sa P95 bilyon ang vineto ng Chief Exe­cutive.

“Nangyari na ‘yan for 2019 budget, kaya na-delay. Mas masama ang ginawa roon, tapos na-bicam, ratified na, nang nag-print sila ng enrolled bill, naiba ang na-ratify naming pinag-usapan pati sa bicam. Mabuti na lang sinulat ni SP Sotto, in-adopt ni President Duterte kaya veto niya ang P95 bilyon. Ito P100 bilyon pinag-uusapan natin,” diin ni Lacson.

Nagbabala pa si Lacson na kawawa ang mga ahensiyang tinanggalan ng budget para ire-align ng mga kongresista sa bicam.

“Ang P100 bilyon, napakalaking halaga nun, madi-distort ang entire budget kasi matatamaang ahensiyang tatanggalan mo, paano ang kanilang prio­rity projects na pinag-aralan na nila bago pa man sila mag-budget call kasama na sa NEP? Tapos gagalawin mo ganoong kala­king halaga,” ani ni Lacson.

“I doubt may pagkonsultang ginawa sa ahensiyang maaapek­tuhan ng pagbawas at pagdagdag,” sambit pa ng senador.

Nauna nang inamin ni Cayetano na magkakaroon ng tig-P500 pondo ang bawat congressional district sa bansa sa ilalim ng panukalang 2020 national budget.

Ayon kay Lacson, ipinasok ang P500 milyon sa bawat congressional district bago pa man isinumite ng Palasyo sa Kamara ang panukalang budget.

“Apparently, pumasok na ‘yun sa National Expenditure Program. Ibig sabihin nun, bago pa man na isumite ng Presidente sa House ‘yung NEP, nakapasok na sila dun,” sabi pa niya.

Hindi aniya maitatanggi ng mga kongresista ang nasabing alokasyon bagaman una nang nilinaw ni Caye­tano na hindi pork ang P500 million allocation sa bawat congressional

district na inilagay sa loob ng 2020 national budget.

“Hindi naman makakaila ‘yan kasi papel ‘yan e, nakasulat ‘yan e. Kasi pagka itinanggi nila na walang pork, e kita ko na kung anong mga distrito, ang lalaki e,” sabi pa niya.

Banta pa ng senador na isisiwalat pa nito ang lahat ng detalye ng pork allocation sandaling magsimula ang budget deliberation ng Senado.

Sa kabila rin nang pagdidiin ng Kamara na pork-free ang sari­ling bersyon ng budget bill, sinabi ni Lacson na ang P20 bilyong parked allocations sa NEP ay lump sums at maitutu­ring din anya itong pork. (Lorraine Gamo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy