Una sa Balita

P10,000 dagdag suweldo sa mga public school teacher

0 949

Tuwing Oktubre 5 ginugunita ang World Teachers’ Day o International Teachers Day. Subalit ngayong taon, Oktubre 7 ang ginawang opis­yal na paggunita at ito ay idinaos sa UNESCO Headquarters sa Paris, France.

Ito ang natatanging araw kung saan ipinagdiriwang ang kahalagahan ng mga guro, ang mga naiambag nila sa larangan ng edukasyon, kasabay ng pagbibigay ng pangkalahatang ulat sa kanilang kalagayan, mga problemang kinakaharap, solusyon at kung paano pa pahuhusayin ang mga guro sa buong mundo.

Pero, paano mo nga ba pasasalamatan si ma’am at sir sa na­ging kontribusyon nila sa pagkatao at narating mo? Sila na humubog sa ating kaalaman at pagkatao kapag tayo ay nasa labas ng ating tahanan.

Dito sa Pilipinas, marami pang dapat gawin upang maibigay ang tunay at karapat-dapat na pagpupugay para sa mga guro.

Buhat noong mahalal tayo bilang congressman at senador, tuwing dumarating ang panahong hinihimay at nagdedebate kami sa panukalang budget ng gobyerno at mga ahensya, palagi nating isinusulong at ipinaglalaban ang karagdagang benepisyo para sa teachers.

May mga panukalang wagi tayo, tulad ng dagdag sa clothing at chalk allowance nila, na isinusulong pa ulit nating madagdagan. At mayroon din namang hindi napapagbigyan, kaya’t paulit-ulit ang ginagawa nating pagtutulak.

Subalit sa lahat ng pagkilala at parangal na nais nating igawad sa mga guro, ang pagtaas ng kanilang suweldo ang matagal nang napapanahon at inaasam-asam nila.

Sa Senate Bill 466 na inakda natin, P10,000 ang iminumungkahi nating dagdag sa basic monthly salary ng lahat ng teachers sa pampublikong elementarya at secondary school.

Paano tayo makaka-recruit ng mga bagong teacher at mapipigilan silang umalis sa pagtuturo kung ang suweldo nila ay hindi sapat?

Kakarampot na maituturing ang suweldo ng ating public school teachers kumpara sa laki ng responsibilidad na ibinibigay natin sa kanila upang turuan at hasain ang pag-iisip at hubugin ang pagkatao at kinabukasan ng ating mga anak.

Dahil hindi kaakit-akit ang pasahod, marami sa mga guro ang mas pinipiling magtrabaho sa ibang bansa, na kahit ibang linya ang pasukin nilang trabaho ay ‘di hamak na mas mataas ang kita kumpara sa pagtuturo sa Pilipinas.

Ang kinalabasan: nawawalan tayo ng magagaling na tao sa Pilipinas at ibang bansa ang nakikinabang sa ta­lento ng mga Pilipinong teacher.

830,000 public school teachers ang agarang makikinabang dito sakaling maipasa ang Senate Bill 466 natin at mapirmahan ni Pangulong Duterte upang maging batas.

Simple lang naman ang logic. Ipantay na dapat sila sa mga sundalo, pulis, bumbero at jail guard. Umangat na ang mga suweldo nila pero ang sa mga guro ay hindi pa.

Ang mga public school teacher ang pinakamala­king bilang ng ‘underpaid’ na empleyado ng gobyerno. Napapanahon nang ibigay ang pagkakautang natin sa kanila bago tuluyang mabaon sa kangkungan ang kalidad ng edukasyon sa bansa dahil sa unti-unting pagtalikod ng mga guro sa pagtuturo upang makipagsapalaran sa ibang bansa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy