Una sa Balita

P1.8 milyong modern jeep sa tsuper na naghahabol sa boundary

By
0 433

Umalma ang transport sektor sa ginanap na pagdinig noong Lunes sa Senado kaugnay ng plano ng gobyernong pag modernize ng public utility vehicles (PUVs). At bakit nga ba hindi aalma kung ang ibig sabihin ng modernization ay pag phaseout sa mga ginagamit nilang pampasadang jeep. Modernization – (minus) old jeepneys = phaseout o walang kita. Walang kita + bili ng modern jeep = baon sa utang. Ganyan ka-simple para sa kanila ang aritmetik na gustong ipatupad ng Department of Transportation (DoTR) at LTFRB sa PUV modernization.

Tama nga naman dahil kung tatanggalan mo ng palabok ang paliwanag ng DoTR at LTFRB, pasan ng tsuper ang mundo tungong modernisasyon.

Sa hearing na ipinatawag ni Senador Grace Poe, tila nakahanap ng kakampi at pagsusumbungan ang mga samahan ng tsuper at operators sa nakaambang phaseout ng jeepneys sa March 2019. Noong tinanong natin sila kung sino ang sang-ayon sa panukala ng DoTR, nayanig ang kuwarto sa sabay-sabay at pasigaw na sagot nilang “Wala!”. Wala ni isang representative ng mga tsuper at operators ang may gusto sa sapilitang pagpapatupad ng PUV modernization.

Abante Hiring – IT dep

Magandang adhikain ang tinutulak ng DoTR : makabagong sistema ng pampublikong transportasyon na may ginhawang dulot sa mananakay tulad ng wi-fi, aircon, automatic fare collection system, speed limiter at mas malinis na usok sa tambutso.

Pero bakit malakas ang pagtutol sa magandang ideya?

Ang pinaka-malinaw at pangunahing inaangalan nila ay ang napakamahal na presyo ng modernong jeep. Tumataginting na P1.8 milyon ang halaga ng isang bagong jeep. Sa isang tsuper na kinakailangang bumiyahe ng buong araw, minsan ay hanggang gabi pa, para lang bunuin ang pang boundary na P1,000, at may maiuwi pang konting pera para sa pamilya, napakalaking halaga ang P1.8 milyon.

Para mabawasan ang pagkontra sa panukala ng DoTR, iminungkahi ko sa hearing at sa DoTR na sa halip na gawing sapilitan ang modernization of PUVs, bakit hindi gawing voluntary na lang? Payagan kung sino man ang may kayang bumili ng modern jeeps sa halagang P1.8 milyon. Hayaan din naman nating pumasada ang mga lumang jeeps hangga’t sumusunod at pasado sila sa standards na itinakda ng batas tulad ng usapin sa safety at emission. Bigyan natin ng choice ang mga tsuper at mananakay. Moderno versus traditional. Mahal versus mura. Hayaan natin silang mag decide.

Sa kalaunan ay makikita natin kung alin sa dalawa ang tatangkilikin ng mananakay.

Magandang balikan ang naging karanasan ng Pilipinas sa pagpasok ng Uber at Grab. Mas mahal ang singil nila kesa ordinaryong taxi subalit tinangkilik pa rin sila ng publiko dahil mas convenient, malinis at ligtas ang pakiramdam ng pasahero. Sa PUVs naman, sanay ganon din ang mangyari. Papasukin ang mga bago at hayaang maki-kompetensya sa mga tradisyunal na jeepney. Ang mananakay ang huhusga kung alin ang kanilang mas tatangkilikin.

Panghuling payo sa DoTR para mapalambot ang kumokontra sa PUV modernization: bakit hindi kayo mag-isip ng iba pang paraan upang mapababa ang presyo ng modern jeep? Katulad halimbawa ng libreng franchise fee sa lahat ng gagamit ng modern jeeps. Kung locally manufactured ang sasakyan, pwedeng tanggalin na ang excise tax o VAT sa presyo.

Kung pag-iisipan at pag-aaralang mabuti, maraming paraan upang maibaba pa ang presyo ng modern jeeps sa abot kaya ng mga tsuper. Iyan ang challenge ngayon sa pamunuan ng DoTR.