Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

P1.56 trilyon binaba sa P140B! Dominguez binarat recovery fund

0 725

Kakarampot ang inilalaang P140 bilyon ni Finance Secretary Carlos Dominguez III para maiahon ang ekonomiya na bansa.

Ayon kay Senate minority floor leader Franklin Drilon, hindi sapat ang P140 bilyong tinatawag na economic stimulus ni Dominguez. Dalawang quarter na bumabagsak ang ekonomiya ng Pilipinas dahil sa lockdown o sa community quarantine na sumakal sa maraming mga negosyo kaya’t marami ang nawalan ng mga trabaho.

Sa tantsa ni Marikina Rep. Stella Quimbo na isang ekonomista, P1.56 trilyon ang kailangan para maibangon ang ekonomiya ng bansa at kailangan ibuhos ang malaking bahagi nito sa pagbibigay ayuda sa mga manggagawa at pautang sa maliliit na mga negosyo na nagbibigay trabaho sa 60% na mga manggagawa.

Dalawang magkasunod na quarter na umuurong ang ekonomiya ng Pilipinas at tinuturing na itong recession dahil anim na buwan na itong sumasadsad. Nung Mayo pa lang at bahagya pa lamang ang inurong ng ekonomiya ay P1.3 trilyon na ang tantsa ng Kongreso na kakailanganin para maibangon ito. Dahil hindi sapat ang inilaang pondo, hindi gumulong ang ekonomiya at lalo pa itong bumulusok.

Ani Drilon, kailangang tutukan ni Dominguez ang pag-ahon ng ekonomiya imbes na credit rating ang pagtuunan nito ng pansin.

“Ang pagbagsak ng ating credit rating ay bunga na kailangang mangutang tayo para buhayin ang ating ekonomiya. Namamatay ang ating ekonomiya dahil hindi natin kayang pigilan ang pag-spread ng virus,” sabi ni Drilon. “The 140 billion is not enough.”

Ayon kay Drilon, kailangang tugunan ang pangangailangan ng mga nagugutom at mga nawalan ng trabaho. Sa pinangakuang 20 milyong households na bibigyan ng ayuda, 14 na milyon pa lamang ang nakatanggap na, sabi ni Drilon.

Sa pag-aaral nina George Gray Molina at Eduardo Ortiz-Juarez para sa United Nations Development Programme, 58.5 milyong Pilipino dapat ang bigyan ng ayuda buwan buwan. Ang tinitignan nina Molina at Ortiz-Juarez ay mas maliit na ayuda na P3,135 hanggang P3,757 kada tao imbis na sa bawat pamilya.

Sa huling televised na meeting ni Dominguez kay Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang ilang miyembro ng gabinete, sinabi niyang kailangang mahikayat ang mga tao para gumastos para muling gumulong ang ekonomiya. Subalit, sinabi niyang walang pera ang pamahalaan para sa pagbibigay ayuda. Aniya, prayoridad ng pamahalaan ang Build, Build, Build infrastructure projects. (Eileen Mencias)

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.