Una sa Balita

P.5M shabu nasamsam sa baguhang tulak

By
0 4,232

Isang lalaki na umano’y newbie sa pagiging tulak ang naaresto ng mga tauhan ng Northern Police District - Station Drugs Enforcement Unit (SDEU) (NPD- SDEU) sa Caloocan City kamakalawa nang gabi, kung saan ay nasa P.5M na halaga ng methamphetamine hydrochloride o shabu ang nakuha sa kanya.

Sa ulat ni NPD Dir. Gen. Gregorio Lim, kinilala ang suspek na si Ian Insa Grundstund alyas Niño, 26-anyos, binata, walang hanapbuhay at kasalukuyang naninirahan sa Katamaran St., Tondo, Maynila.

Ganap umanong alas-10:30 nang gabi nang magkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng NPD-SDEU sa BMBA Compound, Brgy. 120 nang nasabing lungsod na lugar na napagkasunduang makipagkita ng suspek sa nagsilbing poseur buyer.

Dala ang isang Mitsubishi Mirage na may plakang NN 5154 ay nagtungo sa lugar ang suspek bitbit ang inorder sa kanya na nasa P7,700.00 halaga ng shabu.

Hindi na bumaba ng kanyang sasakyan ang suspek at mula doon, nang magkapalitan na ng shabu na order at nasabing halaga ng marked money ay mabilis siyang inaresto ng mga awtoridad.

Bukod pa sa pinantransaksiyong shabu ay nasa tatlong malala­king plastic sachet pa na nag­lalaman pa shabu na nasa mahigit kumulang 50 gramo ang laman ng bawat isa at tinatayang nasa P500,000.00 ang street value ang nakuha sa kanya.