Una sa Balita

P.5B danyos sa Metro Ayala Center mall, sunog ‘under control’ na

By
0 1,191

Hindi bababa sa kalahating bilyong piso ang halaga ng nasira sa nangyaring halos dala­wang araw na sunog sa Metro Ayala Department Store sa Cebu na idineklarang ‘under control’ bandang alas-12:45 ng tanghali kahapon .

Ayon kay Bureau of Fire Protection (BFP) Regional Director Sr. Supt. Samuel ­Tadeo, bagama’t wala pa silang inisyal na imbes­tigasyon kung ano ang naging dahilan sa sunog ng nasabing mall, sinasabing malaki-laki ang naging pinsala ng sunog.

Ayon kay Tadeo, sa ngayon ay external firefighting ang kanilang ginagawa dahil na rin sa hindi makapasok sa loob ang mga bumbero.

Kamakalawa ng gabi ay lumakas pa ang apoy sa fabric section ng mall at paliwanag ng opis­yal na lumiliyab na ito sa loob pero lumakas lang ito nang dahil na rin sa malakas na hangin.

Ganap na alas-nuwebe ng gabi noong Biyernes nang sumiklab ang apoy sa loob ng Metro Department Store sa Ayala Center, Cebu City pero kinumpirma naman na walang iniulat na namatay o nasaktan dahil nagkataon na sarado na ang mall nang sumiklab ang sunog.

Sa report ni Fire Supt. Ronbaldo Orbita, ground commander­ ng Bureau of Fire Portection-7, nahihirapan­ silang pasukin ang ­department store dahil zero visibility na ito sa kapal ng usok kaya binutasan na lamang ang konkretong dingding ng ikatlong palapag para madaanan ng kanilang fire hose.