Una sa Balita

P 360 per kilo ng GG ‘wag dedmahin

0 325

Hindi na pang-masa ang presyo ng galunggong o mas kilala bilang GG dahil umabot na sa P360 ang kada kilo nito sa ilang mga pangunahing palengke sa Metro Manila, ayon kay Senadora Imee Marcos.

Sabi ng senadora, mas mataas pa umano ang presyo ng GG sa karneng manok at baboy sa pamilihan kaya dapat itong solusyunan agad ng pamahalaan.
Sa monitoring ng tanggapan ni Marcos, umakyat sa P360 per kilo ang presyo ng GG sa Mega Q Mart na ang dating presyo ay naglalaro lamang sa P150 hanggang P160.

Sa Pasig City Market, pumalo naman sa P240 ang kilo ng GG mula sa dating P120 hanggang P140 per kilo. Sa Muñoz Public Market, ang presyo ng GG ay nasa P260 hanggang P280.

Sa mga supermarket naman ay pumalo na ang presyo ng galunggong sa P350 hanggang P360 ang kilo.

Maliban sa GG, tumaas din ang iba pang mga isda sa iba’t ibang palengke sa Metro Manila gaya ng tilapia na ngayon ay nasa P120 hanggang P130 mula sa dating P90 hanggang P100 at bangus na dating P130 ang kilo ay nasa halos P200 na.

“Hindi naman siguro dapat nakanganga na lang tayo sa presyuhang ito. Gawan sana ito ng paraan ng gobyerno,” dagdag nito.

Nauna nang inaprubahan ni Agriculture Secretary William Dar ang pag-angkat ng 45,000 metric tons ng GG at mackerel para mapunan ang kakulangan ng suplay nito sa bansa. (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy