Una sa Balita

Out Of Order: Showbiz list sa iligal na droga

By
0 166

Matagal nang balita ang pagkakasangkot ng ilang mga showbiz personalities sa iligal na droga at sa katunayan ay may mga artista na ang nahuli at nasampahan ng kaso dahil sa posesyon at pagbebenta ng shabu at ibang uri ng bawal na gamot.

Isang halimbawa rito ang namapayapang aktor na si Ace Vergel na ilang ulit ding nahuli ng Narcotics Group ng Philippine National Police (PNP) at sa tuwing makakapag-piyansa ay tuloy pa rin sa pagiging lulong sa iligal na droga.

Kaya nga hindi nakakapagtaka kung may listahan na si Pangulong Rodrigo Duterte ng hindi bababa sa 50 celebrities at showbiz personalities na sangkot sa iligal na droga at sa katunayan ay 10 na nasa listahan ay kilalang mga tulak o nagbebenta ng mga party drugs gaya ng ecstacy at ang mamahaling cocaine.

Pero kung mabilis pangalanan ni President Rody ang mga lokal na opisyal at mga heneral ng PNP na sangkot sa iligal na droga, marami ang nagtataka kung bakit tila malambot ang pangulo sa mga artista at hanggang ngayon ay hindi inilalabas ang pangalan ng mga ito.

Mukhang pinakinggan ni Duterte ang pakiusap ng aktor na si Robin Padilla na huwag ilabas ang mga pangalan ng artistang sangkot sa droga. Kung ano ang dahilan dito ni Padilla, tanging siya lang ang nakakaalam.

Mabuti na lamang at nakita ni Martin Diño ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang listahan ng mga artistang sabit sa droga pero dahil wala siyang clearance sa pangulo na ilabas ang mga ito ay ang tanging naisiwalat niya ay hindi bababa sa 50 celebrities ang sangkot sa droga at 10 sa mga ito ang kilalang tulak sa industriya ng showbiz.

Incoming chairman ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) si Diño kung kaya hindi na siya puwedeng magsalita nang walang clearance sa Malacañang. Ito ang tanging sinabi ni Diño: “Iyong iba nakikita na natin tapos merong mga bago, lalung-lalo na mga bata. Ang ganda ganda ng buhay mo tapos sisirain ka lang ng droga.”

Wala pang kopya ng listahan ng mga artista si PNP Chief Director General Ronald dela Rosa pero nangako siyang sa oras na bigyan siya ni Pangulong Duterte ay agad niyang isasailalim sa “Oplan Tokhang” ang mga ito.

“Sa mga artista, kung ibigay ni Presidente sa akin ‘yung listahan na ‘yun, gusto mo i-Tokhang natin sila? Ito-tokhang natin. Sama kayo? Katukin natin sa kani-kaniyang bahay, kani-kaniyang TV station. Surrender na kayo kasi identified kayo na user,” ang sabi ni Dela Rosa sa mga reporters sa Camp Crame.

Nakausap ko noong Sabado si Actors’ Guild president Rez Cortez at nasabi niyang suportado ng kanyang grupo ang kampanya laban sa iligal na droga sa hanay ng mga artista. Sa katunayan ay pabor siya na magkaroon ng drug testing sa lahat ng mga artista para makita kung sino ang drug-free at sino ang mga kailangang dumaan sa rehabilitasyon.

Dapat nga ay mga TV networks at production companies ang mag-inisyatiba sa pagpapa-drug test ng kanilang mga talents lalo na yaong mga kilalang habitual drug user na kadalasang laman ng mga blind items ng mga entertainment columnists.

Panahon na para linisin ang hanay ng showbiz mula sa masamang impluwensiya ng iligal na droga dahil ang mga sikat na artista na napapanood araw-araw sa telebisyon ang ginagawang idolo ng marami sa ating mga kabataan.

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More