Una sa Balita

Out Of Order: Recycled witness si Edgar Matobato

By
0 151

Hindi na lang pala ang mga nakukumpiskang shabu ang ni-rerecycle ng mga tiwaling anti-drug operatives ng Philippine Natio­nal Police (PNP). Maging ang mga witnesses ng Department of Justice (DOJ) ay puwede rin pa lang i-recycle na siyang nangyari kahapon kay Edgar Matobato.

Para sa mga hindi nakapanood ng Senate investigation kahapon, si Matobato ang inilabas na “star witness” ni Senador Leila de Lima na magpapatunay sa pagkakaroon ng Davao Death Squad (DDS) na responsable umano sa serye ng mga pagpatay sa Lungsod ng Davao sa utos umano ni Mayor Rodrigo Duterte.

Si De Lima ang chairperson ng Senate Committee on Justice and Human Rights. Si De Lima rin ang kalihim ng DOJ noong 2015 nang unang lumutang si Edgar Matobato bilang testigo laban sa limang pulis na sinasabing miyembro ng DDS.

Kasama ni Matobato ang kanyang asawa nang mag-execute ng kani-kanilang mga affidavit sa harap ni State Prosecutor Roman Parocha ayon sa lumabas na news report sa Philippine Star online noong Setyembre 22, 2015 na isinulat ni Rosette Adel.

Kabilang sa limang pulis na inakusahan ni Matobato at ng kanyang asawa sa mga insidente ng torture at pagpatay ng DDS sina Senior Supt. Vicente Danao, Jr., SPO1 Reynante Medina, SPO2 Rizalino Aquino, SPO2 Bienvenido Furog at SPO4 Arthur Lascanas.

Paglabag sa “Republic Act 9745 or the ‘Anti-Torture Law’ in relation to arbitrary detention as defined in Section 3, Article 124 of the Revised Penal Code (RPC) and R.A. 7438 or the law that protects the rights of an accused” ang isasampa dapat ng DOJ laban sa limang pulis.

Ayon sa Philippine Star report, hindi dumating sa pre­liminary investigation ng DOJ ang limang pulis at hindi rin nagpadala ng mga abugado ang mga pulis na idinawit ni Matobato.

Binigyan ni Prosecutor Parocha ang mga policemen-respondents ng deadline noong Setyembre 29, 2015 para maghain ng kani-kanilang counter-affidavits bilang sagot sa mga akusasyon ni Edgar Matobato at ng kanyang asawa na hindi pinangalanan.

Wala nang naging follow-up report sa kinahinatnan ng reklamo laban sa limang pulis na idinawit ni Matobato sa DDS. Nawalan siguro ng interes ang DOJ dahil Setyembre 2015 din nag-anunsiyo si Duterte sa Davao City na hindi na siya tatakbo sa pagka-pangulo ng bansa.

Dito makikita na ang pulitika ang nasa likod ng unang ­paglutang ni Matobato noong Setyembre 2015 at ito ay para hadlangan ang kandidatura ni Duterte na nanalong pangulo ng bansa noong May 9 elections.

At ngayon ngang may mga umuugong na balita na nagba­balak ang Liberal Party na alisin sa puwesto si Duterte sa pamamagitan ng impeachment ay saka lumutang ulit si ­Matobato para ulitin ang kanyang mga akusasyon na may mga kasamang “pasabog” laban kay Duterte at sa anak nitong si Vice Mayor Paolo Duterte.

Si Senador Panfilo Lacson ang unang nakakita ng mga ­butas sa testimonya ni Matobato at sa pagtatanong mismo ng dating hepe ng PNP gumuho ang ilang mga kuwento kahapon ng self-confessed member ng DDS.

“Falsus in inum, falsus in omnibus.” Kapag nagsisinunga­ling ang testigo sa ilang mga detalye, nagsisinungaling na rin siya sa kabuuan ng kanyang sinasabi. Si Ador Mawanay noon, si Edgar Matobato naman ngayon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More