Una sa Balita

OUT OF ORDER: Pagkawala sa “kuko ng Agila”

By
0 3

Si Pangulong Rodrigo ‘Rody’ Duterte ang kauna-unahang pangulo na nagpahayag ng separasyon mula sa Estados Unidos sa aspetong ekonomiko at military, at kung tutuusin ay isang dipa na lang ang lapit nito sa pagputol ng relasyong diplomatiko ng Pilipinas at US.

Kaya nga kinailangan ni Duterte na linawan ang sinasabi niyang “separasyon” ay hindi nangangahulugang “severance of diplomatic ties” gaya ng naging interpretasyon ng lokal at internasyunal na media.

Ang nakabahala sa maraming nagmamasid sa administrasyong Duterte ay ang tiyempo ng kontrobersyal na pahayag ni President Rody habang nasa state visit siya sa China na kilalang kakumpetensya ng US sa larangan ng ekonomiya at militar.

Pero may katwiran naman si Duterte sa mga binitawang batayan kung bakit kailangan nang humiwalay ang Pilipinas sa anino ng imperyalismong US na siyang tawag dito ng mga maka-kaliwang grupo kabilang na ang Communist Party of the Philippines (CCP).

Para kay Duterte, mas maraming naging pakinabang ang US sa relasyon niya sa Pilipinas kumpara sa Pilipinas at makikita sa kasaysayan ang mga batas at ‘di pantay na tratado na isinubo ng US sa Pilipinas gaya ng US-RP Treaty of General Relations, Property Act, Bell Trade Act, US-RP Military Bases Treaty, US-RP Military Assistance Pact at Tydings Rehabilitation Act.

Makikita rin sa kasaysayan kung papaano nilinlang ng US ang gobyerno ni Aguinaldo na nagresulta sa Filipino-American War kung saan nagtagumpay ang US matapos paslangin ang may 600,000 na mga Pilipino kabilang na ang libu-libong Moro sa Mindanao.

Ang patuloy na pagiging anti-US ni Duterte ang isa sa mga dahilan kung bakit suportado ang kanyang gobyerno ng mga rebolusyonaryong puwersa sa ilalim ng National Democratic Front (NDF) at ng Communist Party of the Philippines na siyang may kontrol sa New People’s Army (NPA).

Pero kung pumapalakpak ang CPP-NDF sa pagiging anti-US ni Duterte, nangangamba naman si dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada sa posibleng negatibong implikasyon nito sa pangulo kabilang na ang pag-alis sa kanya sa kapangyarihan gaya ng nangyari kay Erap noong Enero 2001.

Sinabi ni Erap na noong siya ay pangulo mula 1998 hanggang Enero 2001, palaging tungkol sa interes ng US ang ipinapaabot sa kanya ng gobyerno ng US gaya ng mensahe sa kanya ni US Defense Secretary William Cohen na nagpapatigil sa opensiba ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).

“’Yung laban ko nu’n sa MILF, pinakialaman ako, pinatitigil ako. Then they suddenly removed me, pinabayaan nila MILF, kaya ‘yun, nagtuluy-tuloy pa rin sa pambobomba,” ani Erap sa isang press statement noong Sabado.

Suportado rin ni Erap ang pagpihit ng Duterte administration patungong China dahil indikasyon ito ng isang indepen­dienteng foreign policy ‘di gaya nu’ng mga nakaraang admi­nistrasyon na masyado ang pagkiling sa US.

“’Di komo tinutulungan tayo ng US, papakialaman naman nila internal problem natin. We are a sovereign country. We have our own Constitution,” paliwanag pa ni Erap na isa sa 12 senador na bumoto laban sa pananatili ng mga US military ba­ses sa bansa noong Setyembre 1991.

Walang problema sa pagiging anti-US ni President Rody na suportado ng maraming mga Pilipino. Kailangan lang niyang bantayan ang mga posibleng manggatong sa US na suportahan ang mga planong kudeta o pagpapabagsak sa kasalukuyang administrasyon gaya ng ginawa nila noon kay Pa­ngulong Erap Estrada.