Una sa Balita

Out Of Order: Pagbabalik ng pork barrel sa national budget

By
0 1

Kung hindi siguro kay Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ay hindi maibubunyag ang pagbabalik ng pork barrel sa panukalang 2017 National Expenditure Program (NEP) na may kabuuang halagang P3.35 trillion.

Sa pagtaya ni Lacson, umaabot sa P24 billion ang nakalaang pork barrel sa mga miyembro ng House of Representatives base sa P80 million na nakalaan sa bawat kongresista na umaabot sa mahigit 250.

Hindi pa malinaw kung sino o anong opisina sa Malacañang ang nagbigay ng go-signal sa mga kongresista na magsumite sa Department of Budget and Management (DBM) ng mga proyekto na may kabuuang halagang P80 million na kabilang sa mga pondong nakapaloob sa 2017 NEP.

Dahil dito ay isinailalim ni Lacson sa matinding interogasyon noong nakaraang budget hearing si DBM Secretary Benjamin Diokno kung bakit bumalik ang pork barrel sa isinumiteng proposed national budget ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kilala si Lacson sa kanyang matibay na paninindigan laban sa pork barrel system at sa katunayan ay palagi niyang pinatatanggal sa General Appropriations Act (GAA) ang P200 million na pork barrel na nakatoka sa kanyang opisina para hindi ito magamit ng ibang senador.

Kaya nga si Lacson ang hinirang na chairman ng makapangyarihang Senate committee on finance noong si Senador Juan Ponce Enrile ang Senate president dahil sa integridad ng senador pagdating sa pananalapi at pera ng bayan.

Dahil din sa pagiging chairman ng Senate finance committee naman bihasa si Lacson sa usapin ng budget kaya madali para sa kanya na makita kung may mga nakasingit na pork barrel sa budget partikular sa mga departamento ng public works, agrikultura at kalusugan.

Hindi pa tukoy ni Lacson ang mga pangalan ng kongresista na may nakasingit na pork barrel sa 2017 national budget pero ang sigurado niya ay wala sa 24 na senador ang nangahas na magpasingit ng kanilang pork barrel na idineklarang iligal ng Korte Suprema noong 2013.

“Why do the congressmen have intervention in the NEP? It is clear that the preparation of the national budget is the exclusive domain of the executive branch… Is this constitutional? Is this legal? Is that compliant with jurisprudence?…That should be scrapped. It should be reappropriated to the agencies so that legislators will not be able to meddle with the function of the executive. It should be stopped,” pahayag ni Lacson sa budget hearing noong nakaraang Martes.

Tama ang posisyon ni Lacson na executive branch lang ang may kapangyarihan na magbalangkas ng national budget na aaprubahan ng legislative branch. Magkakaroon nga naman ng conflict of interest kung magsisingit ng pork barrel ang mga mambabatas na sila rin ang mag-aapruba.

“That is an encroachment of the functions of the executive branch. So clearly, there’s possible conflict of interest. We will be the ones to vet the budget submitted by the executive branch. So how will they remove or question their own P80-million budget?” dagdag pa ni Lacson sa panayam ng mga Senate reporters.

Ang malaking katanungan na nga lang ay kung aprubado kay Pangulong Duterte ang amyenda ni Lacson na tapyasan ng P24 billion na pork barrel ang 2017 NEP at kung papayag dito ang mga mayorya sa mababang kapulungan na naghalal kay Speaker Pantaleon Alvarez bilang kanilang pinuno. Abangan…