Una sa Balita

Out Of Order: Masalimuot na Con-Ass

By
0 136

Panahon pa ni Pangulong Fidel V. Ramos sinikap ng kanyang partidong Lakas-Christian-Muslim Democrats (Lakas-CMD) na isulong ang Charter Change (Cha-Cha) sa pamamagitan ng Consti­tuent Assembly na binubuo ng mga miyembro ng House of Representatives at Senado.

Kung hindi ako nagkakamali, ang mga kapural ng Con-Ass ay ang mga Lakas-CMD members na hindi naniniwalang mana­nalo sa 1998 presidential elections ang kanilang pambato na si Speaker Jose de Venecia at sa halip ay i-lift ng lang ang term limits sa Saligang Batas para makapag-reelection si FVR.

Pero natuldukan ang Cha-Cha noong 1997 nang mag-al­yansa sina dating Pangulong Cory Aquino, Vice President Joseph Estrada at Jaime Cardinal Sin at makapagpakilos ng daang-libong mamamayan sa Rizal Park para tutulan ang Cha-Cha ni FVR.

Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Joseph Estrada ay sinikap ding baguhin ang mga “economic provisions” ng 1987 Constitution sa pamamagitan ng Concord pero hindi ito lumipad at nakadagdag lang sa galit ni Cardinal Sin. May mga sumubok din sa Cha-Cha sa ilalim ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo pero hindi rin ito nagtagumpay.

Bago pa man naupo sa Malacañang si Pangulong Rodrigo Duterte, maliwanag ang kanyang posisyon na Pederalismong anyo ng pamahalaan ang gusto niya sa Pilipinas at handa siyang tumawag ng Constitutional Convention na bubuuin ng mga kinatawan sa bawat congressional district na ihahalal ng bayan.

Nagbago ang ihip ng hangin nang sabihin ni Speaker Pantaleon Alvarez na Con-Ass na ang gustong pamamaraan ni President Rody para baguhin ang Saligang Batas at hindi na ang mas magastos na Con-Con.

Pero hindi sang-ayon si Senador Panfilo “Ping” Lacson sa Con-Ass dahil magiging masalimuot ito sa usapin ng pagboto ng House at Senado kung magkasama ba o magkahiwalay ang mababa at mataas na kamara para makuha ang three-fourths na kabuuang miyembro nito.

“‘Yung Con-Ass, sabi ko most controversial kasi hindi klaro sa Article 17 Section 1 of the 1987 Constitution. Ang sinasabi dun, three-fourths votes of all the members. Hindi naman sinabing voting jointly or separately so magkakaroon ng debate and ang nakikita ko aabot at aabot sa Supreme Court so lalong matatagalan,” paliwanag ni Lacson sa ABS-CBN News Channel.

Kung si Lacson ang tatanungin, mas gugustuhin niya na magkaroon ng Con-Con para naka-pokus lang sa amyenda sa Saligang Batas ang mga miyembro nito ‘di gaya ng Kongreso na abala rin sa ibang gawain gaya ng pagpapasa ng mga batas kabilang na ang taunang General Appropriations Act o GAA.

“Masyadong controversial ang Con-Ass at ‘yung public acceptance maaapektuhan kung ipapaubaya sa mga mambabatas ang pagbabalangkas ng ating charter kasi alam naman natin may kanya-kanyang self-interest ‘yung mga mambatas din at baka kung anong mangyari,” dagdag pa ni Lacson.

Tama ang argumento ni Lacson laban sa Con-Ass at pabor sa Con-Con dahil ilang beses na ring sinubukan ng iba’t ibang administrasyon ang Con-Ass pero laging bigo ang mga ito.

Minsan nang sinubukan ang Con-Con noong 1971 na siyang nagrebisa sa 1935 Constitution pero bagama’t naging matagumpay ang resulta nito ay hindi rin naging kapaki-pa­kinabang sa mamamayan dahil ang pangulong nagpatawag ng Con-Con ay siya ring nagpataw ng Batas Militar noong 1972 o isang taon bago pinagtibay ang 1973 Constitution na likha ng 1971 Con-Con. Talagang masalimuot ang Charter Change.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy