Una sa Balita

Out Of Order: Maraming Hudas sa Maynila

By ,
0 17

Hindi nagtataka si President-Mayor Joseph “Erap” Estrada kung bakit lumamang lang siya ng 2,685 votes sa pinakamahigpit na katunggali nitong si dating Manila Mayor Alfredo Lim. Tinalo ni Erap si Lim noong 2013 elections ng mahi­git 30,000 boto.

Ilang araw bago ang May 9 elections, nakumpirma ni Erap na ang ilang mga alyado niya ay nag-Hudas na sa kanya at nagsilipatan kay Lim sa pag-aakalang matatalo nito si Estrada sa muli nilang paghaharap.

Hindi lang naman si Erap ang nakaranas ng panghuhudas. Si Cong. Amado Bagatsing na tumakbo rin sa pagka-mayor ay nilaglag ng kanyang running mate na si Ali Atienza na lumipat sa kampo ni Lim bilang vice mayoral candidate nito.

Malugod namang tinanggap ni Lim si Ali Atienza dahil sa botong idadagdag nito sa kanyang kandidatura. ‘Yun nga lang, masama ang loob ng running mate ni Lim na si Cong. Benjamin “Atong” Asilo dahil ang matagal na niyang kaibigan at kapwa taga-Tondo na si Lim mismo ang nanghudas sa kanya.

Masyadong disente si Erap para pangalanan ang mga nanghudas sa kanya pero alam sa buong City Hall ng Maynila na inilaglag siya ng kanyang dating vice mayor na tumakbo sa pagka-senador na si Isko Moreno.

Hindi ko alam kung ano ang pinagmulan ng hidwaan nina Erap at Isko pero nabalitaan ko na nang tumatakbo ng senador si Isko ay isa-isang inalis ni Erap ang mga appointee nito sa City Hall dahil sa mga sabit ng mga ito sa paggawa ng pera sa Maynila.

Simple nga lang ang lohika kung bakit naging biktima ng panghuhudas si Erap. Mahigit 100,000 libong boto ang lamang ng running mate ni Erap na si Honey Lacuna kay Ali Atienza. Samantalang si Erap ay 2,685 lang ang lamang kay Lim.

Alam naman sa Maynila na sanggang-dikit si Isko at si dating Vice Mayor Danny Lacuna na ama ni Honey. Walang duda na nagsarili ng kampanya si Honey at sarili na lang ang inatupag nang makitang may posibilidad na matalo si Erap kay Lim.

Kaya nga nang makapanayam ng media si Erap isang buwan matapos ang eleksyong Mayo 9, nasabi niya na ang pinakamahalagang leksyong natutunan niya sa eleksyon ay hindi dapat siya maging mapagtiwala lalo sa mga alyado na pansariling political convenience lang ang habol.

Ang maganda nga lang kay Erap ay hindi siya mapagtanim ng galit sakaling nagkasala ka sa kanya ng isang beses. Kaya nga matapos siyang ipagkanulo ni Lim noong 2001 EDSA Dos ay tinanggap nila muli ito noong 2003 at inilakad pa na mapabilang sa senatorial slate ni FPJ noong 2004.

Noong 2007 ay sinuportahan din ni Erap si Lim sa kanyang pagtakbo muli bilang Manila mayor kung saan tinalo niya si Ali Atienza na siyang pinatakbo ng outgoing mayor na si Lito Atienza na dating kalaban ni Lim.

Dahil napatawad na ni Erap si Lim ng isang beses, malabo na silang magkasundo muli. Malaking tanong na nga lang kung handa rin ba si Erap na patawarin si Isko Moreno sakaling humingi ito ng tawad sa kanya dahil sa ginawa nitong panghuhudas nitong nakaraang eleksyon.