Una sa Balita

OUT OF ORDER: Malakas pa rin si Erap sa Maynila

0 2

Nagsimula noong Sabado de Gloria ang 45-day campaign period para sa mga tumatakbo sa lokal na posisyon at quibbling dito ang mga kandidato sa pagka-­gubernador, alkalde at kongresista.

Pero dahil alangang magdaos ng kick-off rally noong Sabado at Linggo ng Pagkabuhay, minabuti ng maraming pulitiko na isagawa ang kanilang rally ngayong araw ng Lunes, Marso 28.

Dito sa Metro Manila, pinakamainit na kampanya ang naghihintay sa lungsod ng Maynila kung saan muling tumatakbo sa pagka-alkalde si President-Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada at muli niyang makakalaban ang tinalo niya noong 2013 na si dating Mayor Alfredo Lim.

Sa kauna-unahang pagkakataon, tumatakbo rin sa pagka-­alkalde si Congressman Amado Bagatsing na maagang na­ngampanya sa pamamagitan ng kanyang radio advertisements kung saan binanatan niya ang “ka-Erap-an” at “kadi-Lim-an” na bumabalot umano sa Kamaynilaan.

Madali namang basahin ang mensahe ng radio advertisement ni Bagatsing na ang pakahulugan ay naghirap ang Manileño sa ilalim ng magtatatlong taong pamamahala ni Erap at naghari naman ang kadiliman sa ilalim ng walong taong pagka-alkalde ni Lim.

Hindi naman ito pinalampas ni Erap at dinuro si Bagat­sing kung ano ang naging accomplishment niya bilang kongresista ng 5th District ng Maynila at kung saan napunta ang kanyang 70 milyong pisong Priority Development Assistance Fund (PDAF) kada taon na minsan na ring napasama sa lista­han ng pork barrel queen na si Janet Lim-Napoles.

Related Posts

Matatandaang ang 68-anyos na si Bagatsing din ang nagmungkahi na imbes na gibain ang photo-bomber na Torre de Manila ay baligtarin na lang ang bantayog ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal na mangangahulugan na nakaharap na si Rizal sa Torre de Manila at nakatalikod sa Manila Bay.

Aminado naman ang 78-anyos na si Erap na naghihirap ang Maynila nang manahin niya ang City Hall kay Mayor Lim na 86-anyos na ang edad sa kanyang muling pag­takbo sa pagka-alkalde.

Pero pinagmamalaki ni Erap na matapos ang dalawang taong panunungkulan ay nabayaran na ng Maynila ang lahat ng pagkakautang nito sa Meralco at Manila Water. At mas mahalaga, hindi na bangkarote ang Maynila dahil sa epi­syenteng pangungulekta ng buwis na napupunta sa kaban ng bayan at hindi sa bulsa ng iilan.

Kabilang din sa mga accomplishment ng Erap admi­nistration ang pagtataas sa budget ng mga barangay, pagbili ng mga hospital equipment gaya ng dialysis machines, pagpa­paganda ng mga public park at playground, pagsasa­gawa ng medical mission at pamamahagi ng mahigit 200 wheelchair at ang pagtataas sa allowance ng mga pulis at guro.

Pinaigting din ng Manila Police District (MPD) sa ilalim ng Erap administration ang kampanya laban sa ilegal na droga kung saan mahigit 3,000 drug pusher at drug user ang naaresto, nakulong at nasampahan ng kaukulang kaso sa ilalim ng magtatatlong taon ni Erap.

Pabiro pa ngang sinasabi ni Erap na sa tatlong kandidato sa pagka-alkalde sa Maynila ay siya lang ang bukod ta­nging tunay na Pilipino dahil ang mga kalaban niya ang parehong alien — isang Chinese at isang Indian.