Una sa Balita

Out Of Order: Kudeta

By
0 160

Sinabi ni Cabinet Secretary Leoncio­ Evasco Jr. sa Cebu noong nakaraang Sabado na hindi nakaka­gulat kung ang mga elementong hindi sang-ayon sa pamamalakad ni Pangulong Rodrigo Duterte ay mag­lulunsad ng isang golpe-de-gulat na mas kilala sa tawag na kudeta.

Ayon pa rin kay Evasco, kabilang sa mga posibleng maglunsad ng kudeta ay ang mga heneral ng ­Philippine National Police na nakalista sa drug matrix ng pangulo, ang mga negosyanteng apektado ng kampanya ng gobyerno laban sa kontraktwalisasyon at ang mga nagosyanteng may interes sa Estados Unidos.

Batid ni Evasco na galit ang mga nabanggit kay Pangulong Duterte at kapag nakakita ng oportunidad ay posibleng magsagawa ng pag-aaklas kasama ang mga miyembro ng PNP at Armed Forces na kanilang marerekrut para sa isang kudeta.

“A coup will only be possible if there is mass anger ­toward the administration. But if people are contented because go­vernment services are reaching their doorsteps and government is responding to their basic needs, (a coup will fail),” paliwanag ni Evasco.

Tama si Evasco sa kanyang pananaw na posible lang ang kudeta kung magkakaroon ng ‘critical mass’ ang mga galit sa pangulo lalo na kung hindi nito matutupad mga campaign promi­ses nito na bubuti ang buhay ng mga mahihirap na Pilipino.

Kung ako ang tatanungin, walang batayan ang anu mang kudeta lalu pa’t wala pang 100 days sa puwesto si Duterte. Suportado rin ng malaking bilang ng mga Pilipino ang kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga at wala silang paki­alam kung may napapatay na mga pusher at adik.

Mga drug addict na kadalasang sangkot sa mga karumaldumal na krimen gaya ng rape, robbery at murder kung kaya walang simpatiya sa mga ito ang maraming mamamayan lalo na yaong mga naging biktima ng mga adik.

Ang mas dapat ikabahala ni Secretary Evasco at ng adminis­trasyong Duterte ay ang posibleng gawin ng mga inaway ni Duterte gaya ng US, United Nations at European Union na mga kritiko ng anti-illegal drugs campaign ng gobyerno.

Hindi ko lang alam kung kakalimutan na ng mga Hudyo at ng bansang Israel ang pahayag ni Duterte kay Hitler at 3 mil­yong Hudyo na biktima ng Holocaust matapos magpalabas ng opisyal na apology ang pangulo hinggil dito.

Tahimik na bansa ang Israel pero kapag inapakan ang interes nito ay madali niyang utusan ang kanyang Mossad na gumawa ng mga ‘special operations’ gaya ng asasinasyon. Hindi ko lang alam kung nakikipag-alyado rin ang Mossad sa US Central Intelligence Agency (CIA) sa pagpapabagsak ng mga gobyerno na banta sa kanilang mga interes.

Kaya nga naging madali sa mga anti-Erap na pabagsakin ang kanyang gobyerno noong Enero 2001 dahil galit kay ­Pangulong Estrada ang US matapos tanggihan nito ang request ni President Clinton na itigil ang operasyon laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) hangga’t hindi pa ligtas ang Amerikanong bihag ng Abu Sayyaf na si Schilling.

At nu’ng araw mismong nilisan ni Erap ang Malacañang ay agad na kinilala ng US Embassy ang gobyerno ni Gng. ­Gloria Macapagal-Arroyo kahit pa iligal ang pagkakatanggal kay Estrada dahil labag ito sa Saligang Batas.

Wala pang batayan ang isang kudeta laban sa administra­syong Duterte. Pero tama si Evasco na posible itong maganap. Ang tanong na nga lang ay kung magtatagumpay ito gaya ng nangyari noong Edsa 2.

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More