Una sa Balita

Out Of Order: Karma ni Senador De Lima?

By
0 218

Hindi pa man nagsisimula ang Senate inquiry na nais ipatawag ng bagitong senador at dating Justice Secretary Leila De Lima para imbistigahan ang lumalaking bilang ng napapatay na mga suspected drug pushers, umani agad ito ng batikos hindi lamang sa administrasyong Duterte kundi maging sa mga beteranong senador.

Ang unang bwelta kay De Lima ni Solicitor-General Jose Calida ay kung ano ang nagawa ng dating kalihim ng Department of Justice para sugpuin ang talamak na iligal na droga sa loob mismo ng New Bilibid Prisons (NBP) na nasa administrative control ng DOJ.

Nasa operational control din ni De Lima ang National Bureau of Investigation (NBI) pero hindi rin naman nito binigyang diin ang kampanya laban sa mga iligal na droga at kriminalidad at sa halip ay ginamit lamang ang NBI para sampahan ng kaso sa pork barrel scam ang mga senador at kongresista na kalaban ng administrasyong Aquino.

Lampas limang taon na naging DOJ secretary si De Lima pero hindi niya nagawang maglunsad ng crackdown sa mga drug lords sa NBP na namumuhay na parang mga hari sa loob ng kanilang mga 5-star hotel-type amenities habang patuloy ang kanilang drug-dealing activities sa pamamagitan ng kanilang mga laptop at cellphone na may malakas na wifi signal.

Matatandaang noon lang ikalawang bahagi ng 2015 nagsagawa si De Lima ng inspeksyon sa NBP at hindi agad nakita ang mga magagarbong ‘condotel’ ng mga drug lords dahil kinailangan pa ng tulong ng PNP-Special Action Force para mapasok ang mga naturang lungga ng mga drug lords.

Kung hindi ako nagkakamali, noon lang naging sigurado si De Lima sa pagtakbo sa pagka-senador sineryoso ang crackdown sa mga drug lords sa NBP at kinailangang ilipat ang 20 drug lords sa NBI detention facilities habang ginigiba ang kanilang mga kubol na punung-puno ng mga mamahaling appliances, bathtub at mga mataas na kalibreng baril.

Related Posts

Nakakataka ngang wala na tayong narinig sa mga isinampang kaso sa mga opisyal at jailguards ng NBP na responsable sa VIP treatment ng mga drug lords gaya ni Herbert Colangco na nakapagtayo pa ng recording studio sa loob ng NBP compound.

Wala rin tayong narinig na nakasuhan sa mataas na opisyal ng DOJ na sinasabing nagbigay ng go-signal sa mga NBP officials na bigyan ng VIP treatment ang mga drug lords kapalit ang malaking halaga ng pera.

At mas nakakapagtakang hindi nag-imbistiga ang Senado at Mababang Kapulungan sa VIP treatment sa mga drug lords sa NBP dahil kakampi nila si Secretary De Lima at kilalang paborito ni Pangulong Noynoy Aquino kung kaya napabilang sa senatorial slate ng Liberal Party.

Ito marahil ang dahilan kung bakit ang mga beteranong senador gaya nina Panfilo Lacson at Richard Gordon ay tutol sa plano ni De Lima na magsagawa ng imbestigasyon sa sunud-sunod na pagpatay sa mga drug pushers na umaabot na sa 103 ang kabuuang bilang ng napatay samantalang 5,845 ang arestado mula Mayo 10 hanggang Hulyo 3 ayon sa datos ng Philippine National Police.

Hindi rin malayong magsagawa ng sariling imbestigasyon si DOJ Secretary Vitaliano Aguirre hinggil sa VIP treatment ng mga drug lords sa NBP at kung magkakagayon ay malamang na ito ang maging karma ni Senador Leila De Lima.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More