Una sa Balita

Out Of Order: Karma at hustisya

By
0 109

Noong una ay kinuwestiyon ng mga taga-suporta ni Senador Leila de Lima kung bakit si Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre ang nagdala ng pagtatanong sa mga Bilibid inmates na tumestigo laban sa senadora, binigyang-diin ni Aguirre na hindi bago ang ganitong istilo sa mga congressional inquiry.

Binigyang-diin ni Aguirre na noong inimbestigahan ng Senate Blue Ribbon committee ang pork barrel scam, si noo’y Justice Secretary De Lima rin ang nagdala ng pagtatanong sa mga pa­ngunahing witness ng DOJ na sina Benhur Luy at ilang mga dating kasamahan nito sa opisina ni Janet Lim Napoles.

Ibig sabihin, kung pinayagan ng Senado si De Lima na magprisinta sa mga testigo sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam, may karapatan din ang Kamara na payagan si Secretary Aguirre na siyang magprisinta ng kanyang mga testigo. Ika nga sa wikang Ingles, “What is sauce for the goose is sauce for the gander.”

Ngayon naman ay kinukuwestiyon ni De Lima ang kapangyarihan ng DOJ na magsagawa ng preliminary investigation sa isinampang drug trafficking charges sa senadora noong nakaraang Martes ng grupong Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).

Matatandaang sina VACC Chairman Dante Jimenez at Atty. Ferdinand Topacio ang naghain ng reklamo sa DOJ laban kay De Lima at pitong iba pa dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa talamak na drug trafficking sa New Bilibid Prison (NBP) noong si De Lima pa ang kalihim ng DOJ.

Noong nakaraang Huwebes ay naghain din ng katulad na reklamo laban kay De Lima sina dating National Bureau of Investigation (NBI) Deputy Director Ruel Lasala at Reynaldo Esmeralda na kapwa sinibak sa puwesto noon ni De Lima dahil naman sa kanila umanong asosasyon kay pork barrel scam queen Janet Lim Napoles.

Related Posts

Bagama’t Ombudsman ang may hurisdiskyon sa mga kasong kriminal laban sa dating kalihim ng DOJ, pinaninindigan ni Aguirre na may concurrent jurisdiction ang DOJ sa mga naturang kaso dahil sa kanyang kagawaran inihain ang mga ito.

Tama ulit dito sa Aguirre dahil matatandaang si De Lima rin ang nagsagawa ng preliminary investigation sa PDAF scam noong 2013 at DOJ din ang naghain ng plunder complaint laban kina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla na nagresulta sa kanilang pagka-bilanggo bagama’t si Enrile ay nabigyan ng karapatang magpiyansa.

NBI ang pangunahing ahensyang nag-imbestiga sa PDAF scam base na rin sa mga sinumpaang salaysay nina Benhur Luy at mga kasamahan nitong testigo laban kay Napoles, pero DOJ ang naghain ng reklamo sa Ombudsman na siyang tumatayong prosecutorial arm ng gobyerno sa mga kasong katiwalian ng mga opisyal ng pamahalaan.

Karma maituturing ang dinaranas ngayon ni Senador De Lima at tila nakalimutan na niya ang mga ginawa ng kanyang tanggapan noon sa PDAF scam at kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kung kaya sinasabi niyang mali ang mga kasalukuyang diskarte ni Justice Secretary Aguirre.

Sabi nga ni Aguirre: “The DOJ during (De Lima’s) time conducted many preliminary investigation on cases which are cognizable by the Sandiganbayan. She said it was correct during her time. Now that we’re doing it, she’s saying we’re wrong… It was also her who first issued the immigration lookout bulletin order during her time as justice secretary. What she did then are just coming back to her.”

At mas mahalaga sa karma ni De Lima ay ang paggagawad ng hustisya sa mga sinasabing krimen na nagawa niya bilang kalihim ng DOJ. Mabagal nga lang ang gulong ng hustisya pero kapag dumating ang araw ng paghuhukom ay mas matindi pa sa karma ang dulot nito.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy