Una sa Balita

Out Of Order: Freedom of Information sa ilalim ng administrasyong Duterte

By
0 8

Hindi pa man umaabot ng 30-araw o isang buwan ang admi­nistrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, isang executive order (EO) ang kanyang pinirmahan na nagpapatibay sa freedom of information o FOI na matagal nang ipinaglalaban ng mga militante at progresibong miyembro ng Kongreso.

Sa katunayan, matagal na dapat may enabling law ng probisyon sa Saligang Batas na nagbibigay karapatan sa mga mamamayan na makakuha ng impormasyon mula sa tatlong sangay ng gobyerno — executive, legislative at judiciary — pero hindi ito pumapasa dahil na rin sa kawalan ng interes ng nakaupong presidente.

Kaya nga ang hindi ipinatupad na right to information ng limang presidente sa loob ng nakalipas na 29 na taon ay nagawang ibigay ni Presidente Rody sa loob lamang ng 25-araw na nasa Malacañang ang pangulo.

“After 29 years and only (after) 25 days (into the presidency) of Rody Duterte, this is already a record-breaking speed of cornerstone or milestone or a landmark executive order being signed,” paliwanag ni Senate President Aquilino Pimentel III na nagpahayag ng kahandaan na magpasa ng FOI Law na matagal nang nakabinbin sa Kongreso.

Dahil executive order ang katangian ng nilagdaan ni Duterte na may pamagat na “Operationalizing in the Executive Branch the People’s Constitutional Right to Information and the State Policies of Full Public Disclosure and Transparency in the Public Service and Providing Guidelines Therefor,” executive department lang ang sakop nito at hindi lang lehislatura at hudikatura.

Kaya kailangan pa rin ng isang FOI Law na sasakop sa tatlong sangay ng pamahalaan na mangangahulugan na hindi na sila puwedeng magtago ng mga opisyal na dokumento na hinihingi ng mga mamamayan at mga miyembro ng mass media.

Nakasaad sa E.O. ni Duterte na “Every Filipino shall have access to information, official records, public records, and to documents and papers pertaining to official acts, transactions or decisions, as well as to government research data used as basis for public-development.”

Sakop ng right to information E.O. ang  lahat ng “ records, documents, papers, reports, letters, contracts, minutes and transcripts of official meetings, maps, books, photographs, data, research materials, films, sound and video recording, magnetic or other tapes, electronic data, computer stored data, or other like or similar data or materials recorded, stored or archived in whatever format.”

Ang hindi lang pagbibigyan sa ilalim ng FOI order ay ang mga impormasyon na nakapailalim sa “exceptions enshrined in the Constitution, existing law or jurisprudence.”

Lahat ng departamento at ahensya sa ilalim ng Malacañang ay kinakailangang maglabas ng kani-kanilang implementing guidelines sa loob ng 120-araw matapos maging epektibo ang FOI order.

Lalung pinalakas ng FOI order ni Duterte ang kanyang kampanya laban sa korapsyon at katiwalian sa gobyerno dahil ginawa nitong institusyon ang transparency sa gobyerno na hindi na puwedeng kontrahin ng mga susunod na administrasyon.

Malaking bagay na ito sa kalayaan sa pamamahayag dahil hindi na puwedeng ipagdamot ng mga ahensya ng pamahalaan ang mga impormasyon at datos na kadalasang hinihingi ng mga reporter pero ipinagkakait sa kanila dahil walang clearance sa kanilang head of agency.

Lalung mas malaking hamon ito sa mga mambabatas na kag­yat na magpasa ng FOI Law na siguradong pipirmahan agad ni President Rody dahil alam niyang ito ang isa sa pinakamalaking legacy niya bilang ika-16 na pangulo ng Republika.