Una sa Balita

Otso Diretso: Tulong, hindi kulong, para sa mga bata

0 2,812

Kinondena ng mga kandidato ng Otso Diretso ang pagratsada ng Kamara sa panukalang batas kung saan maaaring ituring na kriminal ang mga bata mula siyam na taong gulang.

Ayon sa kanila, hindi makatutulong na idiin ang parusa sa mga bata, na biktima rin ng pang-aabuso ng mga mas nakatatanda, gaya ng mga sindikato, na pinipili silang ipain sa paggawa ng mga krimen.

Pursigido ang Otso Diretso candidate na si Erin Tañada, isang dating kongresista, na kuwestiyunin ang panukala sa Korte Suprema sakaling ipasa ito ng Kongreso.

Tinawag namang imoral ng reelectionist na si Sen. Bam Aquino ang nasabing panukala, at handa aniya siyang harangin ito sa Senado.

Para naman sa mga kandidatong sina Chel Diokno at Samira Gutoc, ang dapat patawan ng mas mabigat na parusa ay ang mga sindikato na nagsasamantala sa kabataan.

Ayon kay Diokno, isang ginagalang na human rights lawyer, ang karamihan sa mga batang ito ay napipilitan lamang sa mga nasabing gawain dahil sa pangangailangan.

Dagdag naman ni Gutoc, walang pinagkaiba ang polisiyang ito sa madugong drug war ng administrasyon, kung saan nalalabag ang karapatang pantao ng mga inosenteng mamamayan, lalo na iyong mga mahihirap.

Nakalusot na ang nasabing panukalang batas sa justice committee ng Kamara, at dadal­hin na sa plenaryo para aprubahan. Sabi ni Speaker Gloria Macapagal Arroyo, ang pagpasa ng nasabing batas ay sang-ayon sa nais ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Bagama’t nanggaling sa iba’t ibang larangan at partido, nagkakaisa ang mga kandidato ng Otso Diretso sa paniniwala na mahalaga ang buhay at dignidad ng bawat Pilipino.

Para sa 8 na kandidato ng oposisyon, ang mga batas na dapat unahin ng administrasyon at ng Kongreso ay iyong magsusulong sa kapakanan ng mga nasa laylayan. (Mia Billiones)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy