Una sa Balita

OT pay ng manggagawa ‘wag na buwisan

0 698

Disyembre ang pinaka-busy na panahon sa mga nagtatrabahong Pilipino. Patapos ang taon kaya’t marami ring mga trabahong kailangang gawin at matapos bago magsimula ang break ng Pasko at Bagong Taon.

Ito rin siguro ang buwan sa buong taon na pinakamarami ang claim sa overtime pay ng mga empleyado.

Kaya’t bilang pa-consuelo sa masisipag nating manggagawa, naghain tayo ng panukalang batas na nagtatanggal ng buwis sa overtime pay ng ating manggagawa.

Sakaling makakuha tayo ng suporta at maging batas ang ating ­Senate Bill 601, ­humigit kumulang 26.7 milyong manggagawa mula sa gobyerno at pribadong sektor ang makikinabang dito.

Layunin ng ating panukalang batas na tanggalin na ang OT pay sa listahan ng mga kita ng manggagawang lagi nang binubuwisan ng pamahalaan.

Siguradong aalma ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa bill na ito dahil malaking pera rin ang mawawala sa kanilang koleksyon sakaling maisa-batas ito. Subalit sa kabilang banda, hindi naman talaga mawawala ang nasabing pera dahil anumang dagdag na pera ang ilalagay natin sa bulsa ng manggagawa, gagamitin nila iyan na pambili ng kanilang pangangailangan at pambayad sa serbisyo. Iikot pa rin sa ekonomiya natin ang nasabing pera na magreresulta sa mas maraming konsumo ng mga produkto at serbisyo, magpapasigla sa negosyo at sa bandang huli ay mag-aakyat pa rin ng kita sa ating pamahalaan.

Hayaan naman natin na lubusang ma-enjoy ng mga empleyado ang kanilang overtime pay. Dahil sa totoo lang, wala namang gustong mag-overtime o papayagan ng management na mag-overtime kung hindi kinakailangan.

Sa karaniwang araw ng pasok, walong oras ang binubuno sa trabaho araw-araw. Dalawang oras papasok sa trabaho at dalawang oras pauwi. Anim na oras na tulog. Wala pa dyan ang mga gawain sa bahay tulad ng pagluluto, pagliligpit ng kalat at pag-asikaso sa mga anak o pamilya. Diyan pa lang ay kulang na ang 24 oras mo.

Kaya’t bilang pa-consuelo sa mga masisipag nating manggagawa na napupuyat at nababawasan ang oras sa sarili at pamilya tuwing may overtime, ibigay naman natin sa kanila nang buo ang kanilang pinaghirapang overtime pay. Tutal naman ay marami na ring naisulong at ipinatupad na bagong tax measures ang admi­nistrasyon na sa ­ngayon ay nagsasampa ng ­ma­lakihang buwis na ipinataw sa alak, siga­rilyo, inuming matatamis at marami pang iba.

Tutal naman ay malapit na ang Pasko. Baka maaaring maagang regalo na ito sa mga manggagawang Pilipino – ang maipaalam sa kanila na may good news sa darating na panahon at malaki ang pag-asang maisabatas ang panukalang batas na magtatanggal ng buwis sa kanilang overtime pay.

Kung noong nakaraang Kongreso ay tinanggalan natin ng buwis ang 13th month pay at Christmas bonus ng mga empleyado, kumpletuhin na natin ang saya ng mga manggagawa sa pagsusulong ng SB 601.

Sa lahat ng bagay, may tinatawag na “give and take”. Bubuwisan natin ang mga produkto at serbisyong tatamaan ang marami at malaking bulto ay nabibilang sa sektor ng manggagawa. Sana naman ay handa rin ang gobyernong mag “give” ng kanilang kita para bumalik sa mga manggagawang ­pawang mga taxpayers.

Huwag puro kubra para walang matutong mangupit.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More