Una sa Balita

Ospital

By
0 666

Tumatanda na ako. Dalawang beses isang taon, nahahatulan na kailangang magpa-blood chemistry. Kailangang ma-monitor ang komposisyon ng dugo kung tumataas ang mga dapat mabantayang manipestasyon ng sakit.

Medyo mahal ang magpa-blood chemistry. Ilang libo rin ang gastos. Kailangang 10 oras hindi kumain ni uminom para malinaw ang makukuhang resulta sa dugong hihigitin ng heringgilya.

Batay sa numero, malalaman kung mataas ang cholesterol, blood sugar o uric acid at iba pang dapat imentine para maging malusog para hindi nananakit ang kung ano-ano sa katawan.

Karaniwang sa klinika ginagawa ang extraction ng dugo. Susuriin ng mga medical technologist at kung anuman resulta, dadalhin sa doktor, na depende sa espesyali­sasyon, magbibigay ng kaniyang propesyonal na payo.

Mabuti kung ehersisyo at diyeta lang ang ihahatol. Karaniwan, sa tulad kong maraming bisyo noon (natigilan ko na ang sigarilyo, unti-unti nang binabawasan ang pagkain at pag-inom nang marami), may mga maintenance drug na rin na dapat inumin araw-araw.

At may ilang pagkakataon, gaya ng ginagawa ko ngayon habang isinusulat ang artikulong ito, na kailangang maghintay sa ospital, sa klinika ng doktor sa loob ng isang sikat na ospital.

Galing siyempre, gaya ng alam ng nakararami, ang salitang ospital ay galing sa lumang wikang Latin na ‘hospitalis’ na nagangahulugang tinutuluyan ng nangangaila­ngan o shelter for the needy sa Ingles.

Sa orihinal na kahulugan pala, hindi lang may sakit ang dapat tumutuloy sa ‘hospitalis’. Panga­ngailangan ng matutuluyan, makakainan, mapagpapalipasan ng magdamag. Nagbago na lang ang kahulugan ng lumaganap ang ospital bilang lugar na nagpapagamot ang tao.

Pero hindi natatapos sa pagamutan lang. Alam ba ninyong sa hospitalis nagsimula ang salitang ‘host’ o iyong punong abala kapag may okasyon, host na tagapagpadaloy ng okasyon. Host na tumatao sa bahay kapag may paparating na bisita.

Mula din sa ‘hospitalis’ ang ‘hospitale’ ng Pranses na may modernong kahulugang guest-house o inn. At ang modernong katawagan nito, ang ‘hotel’.

Kaya may mga ospital sa bansa na mistula na ring hotel. Iyon nga lang, napakamahal ang bayad kung kaya naman mayayaman lang ang nakaka-afford nito.

Sa estado ng bansa natin, lalo ang pampublikong ospital, malayong masabing parang hotel ito. Kaya tinatawag na pagamutan upang pagalingin ang karamdaman.

At ngayon nga, habang naghihintay na tawagin ang pangalan ko para sa konsultasyon sa espesyalista, kailangan kong isulat ang artikulong ito at pagnilayan ang salita.

Ang hirap sa maga­ling na espesyalista, mahaba ang pila ng mga nagpapakonsul­tang pasyente. At karaniwan pa, mahal ang bayad sa konsultasyon. Ang mga kasama kong naghihintay ay nagmula pa sa probinsya para magpasuri ng resulta ng kanilang mga blood test. Ang iba ay ilang balik na kaya may record na.

Ngayon lamang ako ini-refer sa espesya­listang ito. Hindi ko alam kung ano ang ipapayo niya sa akin batay sa resulta ng mahal na blood chemistry. Mahal di ang kaniyang payo. Karaniwang mahal ang gamot. At kung maoospital, kung ayaw mo sa pampublikong ospital, tiyak ding mahal.

Ito ang malungkot na estado ng pagamutan at pangkalusugang serbisyon sa bayan natin. Magbayad nang mahal o magtiis na may karamdaman.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More