Una sa Balita

Orig na Pinoy animated series “Jet and the Pet Rangers’ magtuturo ng kagandahang asal sa mga bata

0 392

Magdadala ng tuwa at magtuturo ng mahahalagang aral sa mga batang manonood ang original animated series na “Jet and the Pet Rangers,” na libre at ekslusibong mapapanood sa iWant simula Biyernes (Abril 3).

Tampok sa Tagalog series ang pakikipagsapalaran ng batang si Jet kasama ang kanyang mga alagang hayop: ang asong si Liksi, ang inahing manok na si Tiyang Manok, at isdang si Gigi. Gamit ang kapangyarihan mula sa isang mahiwagang bituin, magiging superhero ang buong barkada para ipagtanggol at iligtas ang mga hayop sa Baryo Mahayop.

Magbabahagi ang bawat episode ng mabuting asal kagaya ng pagmamahal, paggalang sa kapwa, at pagtulong sa nangangailangan. Sa pamamagitan ng “Pet Rangers,” hangad din ng iWant na matuto ang mga batang palawakin ang kanilang imahinasyon at ipahayag ang kanilang sarili.

Sa unang episode, magsasanib-pwersa ang barkada para kay Kenken, isang pusang naghahasik ng lagim dahil sa amoy na dulot ng hindi niya pagligo. Sa ikalawang episode, tutulungan nilang ibalik ang sigla ni Potpot, isang masungit na asong ayaw makipagkaibigan.

Haharapin naman ni Vicky Biik ang pangungutya dahil ipinanganak siyang payat at magaan – naiiba kumpara sa lahat ng mga baboy sa kanilang lugar – sa ikaapat na episode. Samantala, makikilala naman sa ikalimang episode ang gamu-gamong si Andoy na tutuparin ang kahilingan ng isang ulilang bata.

Gagamitin naman ng buong tropa ng Pet Rangers ang iba’t ibang larong Pinoy para magkasundo ang magkakambal na tuta sa ikalimang episode, habang sasaklolohan naman nila ang isang bibeng nagbago ng anyo para makilala ito ng kanyang ina.

Sa huling episode, makikilala si Pawpaw, isang pusang binabalewala ng mga kapwa niya hayop dahil sa umano’y dala-dala nitong malas. Habang inaalam ng Pet Rangers ang tunay na pakay ni Pawpaw, sama-sama rin nilang sasagipin ang buong bayan ng Mahayop mula sa isang malaking panganib.

Tampok sa animated series ang mga boses nina JM Canlas bilang is Jet, Hazel Hernan-Tabulinar bilang si Tiyang Manok, Dylan Ray Talon bilang si Liksi, at Jewel Milag bilang si Gigi. Ang animator na si Patrick Apura naman ang director ng serye, na ipinrodus ng Pinoy animation studio na Studio Nonego.

Ang “Pet Rangers” ay ilan lamang sa mga programa at pelikulang libreng napapanood sa iWant na layong magturo ng bagong kaalaman sa mga bata habang nalilibang. (Dondon Sermino)

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More