Una sa Balita

OUT OF ORDER: All-out war sa CPP-NPA

By
0 7

Kung hindi na magbabago ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil na ang usapang pangkapayapaan sa National Demo­cratic Front (NDF), namumuo na naman ang isang all-out war laban sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na nasa ­direktang pamumuno ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Sabi nga ni Duterte sa harap ng mga sundalo sa Marawi City: “I do not want to talk peace.

After you finish here, after you decimate the fools there, we will reorient. It’ll be the NPA next. Because they already owe us a lot. I no longer want to talk with them. They killed many of my soldiers and police, even those who just went to the market.

Maliwanag sa pahayag ni Duterte na kanyang tatapusin lang ang giyera ng Armed Forces laban sa teroristang grupo ng Maute at isusunod ang isang all-out war laban sa CPP-NPA na tinatayang hindi bababa sa 4,000 armado na nagsusulong ng pakikidigmang gerilya.

Hindi naman si Duterte ang unang pangulo na nag-terminate sa peace talks at nag-utos ng all-out war laban sa CPP-NPA na 49 na taon na ring nagsusulong ng armadong pakikibaka sa balangkas ng matagalang digmang bayan.

Kung hindi natanggal sa puwesto si Pangulong Joseph Estrada noong 2001, isusunod niya rin sana ang CPP-NPA matapos ang matagumpay na kampanya ng AFP laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) noong Hunyo 2000.

Maliban sa diktador na si Marcos, nag-utos din ng all-out war laban sa CPP-NPA ang dating Pangulong Corazon Aquino matapos mabigo ang unang usapang pangkapa­yapaan sa NDF noong 1987.

“Winning the Hearts and Mind” ng populasyon ang aming­ mantra ng AFP noon na ang big sabihin ay kailangang gawin ng mga tropa ng pamahalaan ang ginagawa ng mga NPA at ito ay may kinalaman sa pagsasagawa ng civic-action gaya ng medical mission at pakikisalamuha sa mga masa na nasa tinatawag na communist-influenced areas.

Hango sa librong “Silent War” ni Army Col. Victor Corpus ang bagong istratehiya ng AFP na sinasabing naging matagumpay noon dahil lumiit ang bilang ng mga barangay at barrio na nasa ilalim ng impluwensiya ng CPP-NPA.

Nagbunga rin ang psy-ops ng AFP laban sa mga naaares­tong lider ng CPP dahil nagbunga ang kanilang pang-iintriga nang magkaroon ng bitak sa kilusang komunista sa pagitan ng mga “Reaffirmists” o mga sumasalig pa rin sa liderato ni CPP founding chairman Jose Maria Sison at mga ­“Rejectionists”.

Kung humina man ang CPP-NPA noong dekada 90 ay hindi rin ito tuluyang nagapi ng estado gaya ng nangyari sa Partido Komunista ng Pilipinas at Hukbong Mapagpalaya ng Bayan na matapos dumanas ng sunud-sunod na pagkatalo sa larangang militar ay tuluyang sumuko noong 1974 kay Pangulong Ferdinand Marcos.

Sa kasalukuyan ay nakalatag pa rin ang puwersa ng CPP-NPA sa mahigit 60 lalawigan sa bansa at kahit nga mga nagaganap na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyernong Duterte at NDF ay patuloy ang mga taktikal na opensiba ng mga rebelde.

Anim na presidente na rin ang lumipas mula kay Marcos hanggang kay Noynoy Aquino pero hanggang ngayon ay nananatili ang puwersa ng CPP-NPA. Ang tanong na lang ay kung kakayanin ng administrasyong Duterte na padapain ang kilusang komunista sa nalalabing limang taon nito gaya ng kanyang gustong mangyari.

Sanay sa matagalang digmaang bayan ang mga kadre ng partido at ng hukbo at nakadepende sa istratehiyang gagamitin ng AFP kung matatalo nila ang puwersa ng CPP-NPA na hindi nangyari sa ilalim ng anim na administrasyon bago ang kasalukuyang gobyerno ni Duterte. Abangan…